Hiniling ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa mga dele¬gado ng 13th Association of Southeast Asian Nations Law Ministers Meeting na pagtuunan ng pansin ang mga banta at hamon sa Artificial Intelligence at cybercrimes sa rehiyon.
Mahalaga aniyang maikunsidera ang nakaambang panganib sa cybercrimes at maling paggamit ng AI pati na ang legal na implikasyon ng mga ito.
Sinabi ng Pangulo na dapat matiyak ng mga bansa sa Asya na masasaklaw ng kanilang mga batas ang digital space nang patas at walang nakaambang peligro.
“We must also consider the emerging transnational challenges that will require all of us to work more effectively now and in the future,” anang Pangulo.
Hinimok ng Pangulo ang mga delegado na dapat palakasin ang mga pagsisikap na maging proactive, at masigurong ang paglago ng ASEAN ay pangmatagalan, ligtas at nakasentro sa dignidad ng mamamayan. (Aileen Taliping)
---
Tinanggihan ng mga family court sa Tokyo at Okinawa Prefecture ang kahilingan para sa Japanese citizenship ng apat na Japanese descendant na naninirahan sa Pilipinas.
Ayon sa kanilang mga abogado, ang apat—na may edad 79 hanggang 82—ay ipinanganak sa mga Japanese na ama at Pilipinang ina pero naging ‘stateless’ matapos silang maiwan sa Pilipinas pagkalipas ng World War II.
Bagama’t pinapayagan noon ng lumang nationality law ng Japan ang pagbibigay ng citizenship sa mga anak ng Japanese na ama, iginiit ng mga hukuman na ang tinutukoy ng batas ay mga legal father o kinikilalang ama sa ilalim ng batas.
Kahit nakumpirma sa DNA test na isa sa kanila ay may Japanese biological father, hindi naman anila sila kinilala ng kanilang mga ama kaya ibinasura ang kanilang mga petisyon
---
Duda si Vice President Sara Duterte na makakabangon ang ekonomiya ng Pilipinas sa huling quarter ng 2025.
“Nananaginip nang gising,” wika ni Duterte. “Kung sino man nagsasabi na makaka-recover ang ekonomiya by 4th quarter of this year, nananaginip nang gising—wala ‘yan sa tamang pag-iisip talaga.”
Tinukoy ng Bise Presidente ang pagbagsak ng halaga ng piso kontra dolyar at mahinang pagpasok ng investor ang dahilan ng makupad na takbo ng ekonomiya.
“Loss of confidence sa ating bansa at ‘yong walang investments na pumapasok sa ating bansa,” diin pa niya.
Noong Huwebes, sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na umaasa siyang makakabawi ang ekonomiya sa 4th quarter dahil sa itotodong public spending.
---
Naghain ang pamilya at abogado ni Mary Jane Veloso sa Supreme Court (SC) ng habeas corpus petition na humihiling na suriin ang legalidad ng kanyang pagkakakulong sa Pilipinas.
Ayon sa petisyon, labag sa batas ang patuloy na pagkakakulong kay Veloso dahil hindi siya nahatulan sa bansa. Suportado rin ito ng OFW group Migrante International.
“There is neither legal nor political basis for Mary Jane’s continued detention in the Philippines,” sabi ni Joanna Concepcion ng Migrante.
“She does not deserve to suffer behind bars not only because she is not a criminal under our legal system, but because Mary Jane is a victim of trafficking.”
Pinuna nila ang administrasyong Marcos sa mabagal at walang aksiyong clemency, kahit na ipinasa ng Indonesia ang responsibilidad sa Pilipinas noong Disyembre 18. (Prince Golez)