Skip to content

November 14 - 6 am NEWS

November 14 - 6 am NEWS
CHESTER PANGAN
Nov 14, 2025 | 7:49 AM


Naglabas ng bagong direktiba ang U.S. State Department sa ilalim ng administrasyong Trump na nag-aatas sa mga embahada at konsulado na isama sa masusing pagsusuri ng immigrant visa applicants ang kanilang chronic health conditions, kabilang ang obesity.

Layon ng panuntunan na limitahan ang pagpasok ng mga dayuhang itinuturing na may mabigat na kondisyon sa kalusugan o posibleng maging pabigat sa sistemang pangkalusugan ng Amerika.

Bukod sa obesity, binanggit din sa mga dapat isaalang-alang ang cardiovascular at respiratory disease, cancer, diabetes, metabolic disorder, neurological condition at mga mental health issue.

Nakasaad din sa direktiba na dapat tiyakin ng mga aplikante na mayroon silang sapat na pinansyal na kakayahan upang tustusan ang sariling gamutan at pangangailangan nang hindi umaasa sa tulong ng pamahalaan o anumang institusyon sa U.S.
-----

Tinatayang 1.23 milyong katao ang nasawi dahil sa tuberculosis (TB) noong 2024, ayon sa World Health Organization (WHO), dahilan para muli itong ituring na pangunahing nakamamatay at nakakahawang sakit sa mundo.

Sa ulat, 10.7 milyon ang nagkasakit nito kabilang ang 5.8 milyong lalaki, 3.7 milyong babae at at 1.2 milyong bata.
Isa ang Pilipinas sa walong bansa na may pinakamataas na kaso (6.8%), kasama ang India, Indonesia, China, Pakistan, Nigeria, DR Congo at Bangladesh.

Ayon sa WHO, maiiwasan at magagamot ang TB na karaniwang kumakalat sa hangin habang itinuturong mga salik sa pagkalat nito ang malnutrisyon, HIV, diabetes, paninigarilyo at labis na pag-inom ng alak.

-----

Bahagyang bumuti pero nananatiling mabagal ang progreso ng mga bansa sa paglaban sa climate change, ayon sa United Nations Environment Program (UNEP) sa pinakabagong Emissions Gap Report.

Sa ilalim ng 2015 Paris Agreement, kailangang magsumite ang bawat bansa tuwing limang taon ng bagong plano para bawasan ang greenhouse gas emissions.

Gayunman, 0.3°C lang anila ang nabawas sa inaasahang pag-init ng mundo—kulang para maabot ang 1.5°C target.
Ayon kay UNEP Executive Director Inger Andersen, nagpapahina sa pandaigdigang progreso at nagdadagdag ng nasa 0.1°C na pag-init ng mundo ang pag-atras ng US sa kasunduan.

Kung susundin ng mga bansa ang kanilang mga pangako, aabot pa rin aniya sa 2.3°C hanggang 2.5°C ang pag-init ng mundo—malayo sa layuning limitahan ito sa 1.5°C.