Nakaranas ng aberya ang libo-libong users ng Microsoft nitong Biyernes, Nobyembre 13, matapos maiulat ang isang malawakang outage ng serbisyo nito sa ilang mga software.
Batay sa isang third-party detector na Downdetector, unang naitala ang halos 130,000 users na naantala ng naturang outage, partikular sa Microsoft Outlook, nitong 2:00 ng madaling araw ng Biyernes, ngunit bumaba naman ito sa 50,000 pagsapit ng 5:30 ng madaling araw.
Nakaranas din ng system outage ang ilan pang softwares nito tulad ng Microsoft Teams at ang AI assistant ng Microsoft na Copilot.
Batay sa ulat ng kumpanya, itinuturong dahilan ng connectivity issues ang “elevated load” sa mga imprastraktura nitong nakabase iba’t ibang rehiyon.
Kabilang sa mga apektado ang ilang users sa Timog-Silangang Asya tulad ng mga ilang IT professionals at BPO employees sa bansa.
Tiniyak naman ng Microsoft na tinutugunan na nila ang isyu at anila’y tinatahak ang lahat ng posibleng paraan upang maibsan ang epekto nito.
---
Pinarangalan ni US Defense Secretary Pete Hegseth ang sundalong nanita sa kaniya at sa kaniyang mga kasamahan dahil sa pag-iingay malapit sa sagradong Tomb of the Unknown Soldier sa Arlington National Cemetery noong paggunita ng Veterans Day.
Iginawad ni Hegseth ang Joint Service Commendation Medal kay Specialist Iglesias ng 3rd Infantry Regiment ng U.S. Army, na kilala bilang The Old Guard, sa isang seremonya sa Pentagon nitong Huwebes.
“We love soldiers. We love standards. Well done, Specialist,” wika ni Hegseth.
Nag-ugat ang insidente nitong Miyerkules matapos marinig na nagtatawanan at nag-uusap ang grupo ni Hegseth kasunod ng pagkuha ng larawan sa lugar, kaya huminto sa pagpapatrolya si Iglesias at pinaalalahanan silang panatilihin ang katahimikan at paggalang sa lahat ng oras.
Umani ng batikos online at mula sa mga mambabatas ang video ng paninita, ngunit pinuri ni Hegseth ang sundalo dahil sa tapat at propesyonal nitong pagpapatupad ng mahigpit na pamantayan sa bantayog.
Ang Tomb of the Unknown Soldier ay binabantayan nang 24 oras ng The Old Guard mula pa noong 1948 bilang pagpupugay sa mga hindi nakilalang sundalong Amerikano na nasawi sa digmaan, kung saan tungkulin ng mga sentinel na sawayin ang sinumang lumalabag sa katahimikan ng lugar