Naniniwala si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mababawasan na ng 60 porsiyento ang malawakang pabaha sa Metro Manila at mga karatig lalawigan tuwing malakas ang ulan.
Sinabi ni Pangulong Marcos, na base sa pagtaya ng mga siyentipiko na maaaring mabawasan ng hanggang 60% porsiyento ang mga flash floods sa Metro Manila at karatig-lugar kapag naibalik sa tamang kapasidad ang mga daluyan ng tubig at drainage system.
“I am very optimistic that once we get the majority of this done, maramdaman na kaagad natin na pagdating ulit ng tag-ulan next year, malaki na ‘yung mababawasan sa flooding,” ayon sa Presidente matapos na pangunahan ang Oplan Kontra Baha: Greater Metro Manila Waterways Clearing and Cleaning Operations sa Balihatar Creek, Barangay San Dionisio, Parañaque City.
Ang Oplan Kontra Baha ay isasagawa mula Nobyembre 2025 hanggang Hulyo 2026, sa pangunguna ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Metro Manila Development Authority (MMDA), katuwang ang iba’t ibang ahensiya ng gobyerno, mga lokal na pamahalaan at malalaking pribadong korporasyon.
Saklaw ng kampanya ang 142.2 kilometro ng mga ilog, sapa at estero, gayundin ang 333.15 kilometro ng mga drainage system sa buong Metro Manila para mabawasan ang pagbaha sa mga mababang lugar.
Inilunsad din ang sabay-sabay na operasyon ng paglilinis sa Caingin Creek sa Meycauayan City; Sunog Apog Pumping Station sa Tondo, Maynila; San Juan River sa Quezon City; at Las Piñas River sa Las Piñas City.
Sa pag-iinspeksyon ni Marcos, sinabi nito na ang pagbabara at pagdami ng basura sa mga daluyan ng tubig at drainage system ay isa sa mga pangunahing sanhi ng paulit-ulit na flashflood.
Bukod sa paglilinis ng daluyan ng tubig at pagtatanggal ng bara sa drainage system, sakop din ng Oplan Kontra Baha ang pamamahala ng mga pumping station, kabilang ang ilan na natukoy na sagabal sa daloy ng tubig.
-----
Nagpahayag ng isang pakikiramay ang mababang kapulungan ng kongreso sa mga biktima ng pananalasa ng bagyong Tino at Uwan sa pamamagitan ng isang panukala.
Sa House Resolution 436, na isinulat nina House Speaker Faustino Dy III, House Majority Leader Sandro Marcos, at House Minority Leader Marcelino Libanan, ipinahayag ng Kamara ang kanilang pag-aalala at malasakit sa mga naapektuhan ng dalawang bagyo.
Ayon sa ulat, mahigit 230 ang namatay dahil sa Bagyong Tino at hindi bababa sa 25 naman ang naitalang nasawi sa hagupit ng STY Uwan.
Kaugnay nito ay pinasalamatan naman ng Kamara ang mga LGUs , mga ahensya ng gobyerno at mga organisasyon ng civil society maging mga voku
Nagpasalamat din ang Kamara sa mga ahensya ng gobyerno, lokal na pamahalaan, mga organisasyon ng civil society, at mga boluntaryo na patuloy na nagbibigay ng tulong sa mga apektadong komunidad.
Nanawagan ang mga lider ng Kamara sa kanilang mga kasamahan na magkaisa sa pagtugon sa hamon ng pagtulong at rehabilitasyon sa mga lugar na sinalanta ng bagyo, at magbigay ng anumang tulong sa mga biktima.