MULING tiniyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang paninindigan ng kanyang administrasyon na palakasin ang kakayahan at kahandaan ng First Scout Ranger Regiment ng Philippine Army, gayundin ang pagkilala sa katapangan, propesyonalismo at sakripisyo ng mga kawal nito sa pagtatanggol sa bansa.
Sa paghahatid ng mensahe ng Pangulo sa isinagawang courtesy visit sa punong-himpilan ng regiment sa Camp Tecson sa San Miguel, Bulacan, nitong Miyerkules, ipinaabot ni Special Assistant to the President Antonio Ernesto F. Lagdameo Jr. ang malalim na pagpapahalaga ng administrasyon sa mga kalalakihan at kababaihang naglilingkod sa yunit, na madalas na napapalayo sa kanilang pamilya at mga mahal sa buhay dahil sa mabibigat na tungkulin.
“Sa ngalan ng Tanggapan ng Pangulo, ipinapaabot ko ang aming taos-pusong pasasalamat sa mga kalalakihan at kababaihan ng First Scout Ranger Regiment sa inyong katapangan, propesyonalismo at dedikasyon sa ating bansa,” pahayag ni Lagdameo.
Binigyang-diin niya na kinikilala ng administrasyon ang mahihirap na realidad ng pagiging Scout Ranger, mula sa masinsinang pagsasanay hanggang sa mapanganib na mga misyon at mahabang panahong pagkakalayo sa kanilang mga pamilya.
Sa kabila ng mga hamong ito, patuloy na ginagampanan ng mga kawal ang kanilang mga tungkulin nang may disiplina, dedikasyon at matibay na pananagutan sa sambayanan.
Ayon kay Lagdameo, ang mahaba at marangal na kasaysayan ng paglilingkod ng regiment ay nagpapakita ng kahalagahan ng patuloy na pagpapalakas sa kakayahan nito, pagpapahusay sa kahandaang operasyonal at pagtiyak na natatanggap ng mga tauhan ang kinakailangang suporta upang maisakatuparan ang kanilang mga misyon.
Aniya, habang patuloy na nagbabago ang mga hamon sa seguridad ng bansa, kinakailangan ding palakasin ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas ang kakayahan nito at tiyaking sapat ang kagamitan at kahandaan ng mga kawal.
Naging pagkakataon din ang pagbisita ng kinatawan ng Pangulo upang direktang mapakinggan ng administrasyon ang mga alalahanin, pangangailangang operasyonal at rekomendasyon ng regiment.
Tiniyak ni Lagdameo sa mga Scout Ranger na bibigyan ng kaukulang pansin at pakikipag-ugnayan sa mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan ang mga usaping inilapit nila sa administrasyon.
Kabilang sa mga isyung inilahad ng regiment ang panukalang suporta sa House Bill No. 9190, na naglalayong amyendahan ang Blood Banking Law upang pahintulutan ang Armed Forces of the Philippines na magpatakbo ng sariling blood bank at magsanay ng mga Scout Ranger sa pagsasagawa ng agarang pagsasalin ng dugo sa lugar ng operasyon.
Inilahad din ang panukalang paglutas sa mga usapin hinggil sa pabahay sa Scout Ranger Ville at ang pagsubaybay sa isinusulong na pagpapahusay ng kakayahan at kagamitan ng regiment.
Kabilang pa sa mga alalahanin ang pagtiyak sa seguridad ng Duplas Jungle Base sa pamamagitan ng isang proklamasyon ng Pangulo, gayundin ang paglutas sa mga usapin sa human rights vetting na nakaaapekto sa pagkuha ng regiment ng ilang kagamitan at tulong sa pagsasanay.
Ipinakikita ng mga usaping ito ang patuloy na pagsisikap ng regiment na higit pang pahusayin hindi lamang ang kakayahang operasyonal nito kundi maging ang kapakanan at kahandaan ng mga tauhan.
Bukod sa kagamitan at pasilidad, binigyang-diin din ni Lagdameo ang mahalagang papel ng mga pamilya ng Scout Ranger, na sa pamamagitan ng kanilang sariling sakripisyo at walang sawang suporta ay nagiging posible ang paglilingkod ng mga kawal sa bayan.
Ipinaalala niya sa mga sundalo na hindi ipinagwawalang-bahala ang kanilang mga ambag sa bansa, at hinikayat silang patuloy na magmalasakit sa isa’t isa, panatilihin ang pinakamataas na pamantayan ng propesyonalismo at ipagmalaki ang unipormeng kanilang isinusuot.
Binigyang-pansin din sa pagbisita ang kahalagahan ng paghahanda sa susunod na henerasyon ng mga sundalo, kasunod ng pagsisimula ng Basic Military Training ng 300 kandidatong kawal sa Camp Tecson noong Setyembre 30, 2026.
Ang pagpasok ng mga bagong kandidatong kawal sa pagsasanay militar ay nagpapakita ng patuloy na tungkulin ng regiment na humubog ng mga disiplinado, may kakayahan at dedikadong sundalong magpapatuloy sa marangal nitong tradisyon ng paglilingkod.
Sa naturang pagbisita, nagkaroon din ng pagkakataon si Lagdameo na masaksihan at malaman ang tungkol sa mga pasilidad at kakayahan ng regiment, kabilang ang Scout Ranger School, Military Operations on Urban Terrain Village at Integrated Firing Range.
Ipinakita rin sa isang demonstrasyon ang integrasyon ng mga unmanned tactical drone, operasyon ng Scout Sniper at kakayahan ng mga pangkat ng Scout Ranger, na nagpapakita ng kahalagahan ng pagsasama ng matagal nang napatunayang husay-militar at mga makabagong teknolohiya.
Malinaw ang mensaheng ipinaabot ng Pangulo sa pamamagitan ng kanyang kinatawan: nararapat lamang na hindi lang kilalanin ang katapangan ng mga tagapagtanggol ng bansa kundi bigyan din sila ng makabuluhang suporta sa pagtupad sa mabibigat nilang responsibilidad.
Habang patuloy na ginagampanan ng mga Scout Ranger ang kanilang mga tungkuling nangangailangan ng mataas na antas ng kahandaan at kadalasa’y may kaakibat na panganib, kinikilala ng administrasyon na dapat tumbasan ang kanilang dedikasyon sa bayan ng patuloy na pagsisikap na palakasin ang kanilang kahandaan, pangalagaan ang kanilang kapakanan at kilalanin ang sakripisyo ng kanilang mga pamilya.
Sa pagtatapos ng kanyang mensahe, nagbigay-pugay si Lagdameo sa mga kawal at nagpahayag ng pag-asang ligtas nilang maisasakatuparan ang kanilang mga misyon at palaging makababalik sa piling ng kanilang mga mahal sa buhay.
“Maraming salamat sa inyong katapangan, sakripisyo, at tapat na paglilingkod sa ating bayan,” pahayag niya.
---
Kinumpirma ng isang imbestigador ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na walang pondo mula sa contractors, Department of Public Works and Highways (DPWH), o kay dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co ang nakitang pumasok sa bank accounts ni dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.
Ang pahayag ng testigo ay isa na namang dagok sa alegasyon ng prosekusyon kaugnay ng P7.4 bilyong kasong plunder ni Romualdez.
Sa kanyang pagtestigo sa Sandiganbayan Third Division nitong Huwebes, Nobyembre 12, sinabi ni AMLC financial investigator Atty. Jan Mark Busa na walang nakitang ebidensiya ang mga imbestigador para iugnay ang P560.5 milyong inflows sa account ni Romualdez sa mga unlawful na aktibidad o sa maanomalyang flood control project.
Sa cross-examination ni defense lawyer Atty. Rashel Ann Pomoy, kinumpirma ni Busa na sinuri ng AMLC ang 35 accounts na nauugnay kay Romualdez at wala silang nakitang deposito o paglilipat ng pondo mula sa mga contractor na sangkot umano sa flood control scandal.
Inamin din ng imbestigador na walang inflow na nanggaling o konektado sa flood control project.
Ito’y sa kabila ng ginawang pagsisiyasat ng AMLC sa 1,951 financial transactions sakop ang panahon mula 2003 hanggang 2025.
Binanggit din ni Busa na base sa mga record ng banking transaction ni Romualdez, umaabot na ito sa bilyon dalawang dekada na ang nakaraan bago ito pumasok sa politika at naging Speaker ng Kamara de Representantes.
Base sa kanyang report, ang financial transaction ng dating Speaker mula 2003 hanggang 2007 ay pumalo sa P3.4 bilyon, bago siya nahalal sa public office.
Mula 2022 hanggang 2025, ang nakita lamang ng AMLC sa banking transaction ni Romualdez ay P4.509 bilyon.