Skip to content

November 13 - 6 am NEWS

November 13 - 6 am NEWS
CHESTER PANGAN
Nov 13, 2025 | 7:50 AM

Pumanaw na ngayong araw si dating Senate President Juan Ponce Enrile sa edad na 101.

Isa siya sa pinakamatagal na nagsilbi sa gobyerno ng Pilipinas, na may mahigit pitong dekada ng karera sa serbisyo publiko.

Si Enrile ay kilala bilang isang prominenteng legal at political figure na naging bahagi ng mga makasaysayang yugto ng bansa, mula sa Martial Law noong panahon ni dating Pang. Ferdinand E. Marcos Sr., hanggang sa EDSA People Power Revolution noong 1986 kung saan siya ay tumiwalag sa rehimeng Marcos.

Nagsilbi siya bilang kalihim ng katarungan, kalihim ng tanggulang pambansa, at ilang ulit na senador. Noong 2008, nahalal siya bilang Senate President at nanungkulan hanggang 2013.


Sa kabila ng kanyang edad, nanatili siyang aktibo sa politika at huling nanilbihan bilang Chief Presidential Legal Counsel sa administrasyong Bongbong Marcos.

Sa kanyang pagpanaw, nagwawakas ang isang makulay at kontrobersyal na kabanata sa kasaysayan ng pulitika ng Pilipinas.

Inaasahan ang paglalabas ng opisyal na pahayag mula sa kanyang pamilya at sa pamahalaan sa mga susunod na oras.

----

Bibigyang-diin ng Department of Budget and Management ang panindigan nitong palakasin ang lokal na pamahalaan sa pagtugon sa mga sakuna sa pag-umpisa ngayong linggo ng Senate plenary deliberations para sa P6.793 trilyong 2026 General Appropriations Bill.

Sa mga unang yugto ng pagtalakay, lumitaw na pangunahing prayoridad ang alokasyon ng pondo para sa mga lokal na pamahalaan at mga programang may kaugnayan sa disaster response, na sumasalamin sa pagtutok ng administrasyong Marcos sa pagpapalakas ng mga komunidad at mabilis na pagbangon mula sa mga kalamidad.

 Ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman, nakatuon pa rin ang DBM sa pagpapaigting ng fiscal discipline at epektibong paggamit ng pondo ng bayan, lalo na sa antas ng lokal na pamahalaan, upang matiyak na ang mga proyekto ay naipapatupad nang ganap at tumutugon sa pangangailangan ng mamamayan.

 Layunin ng mga pondong ito na patatagin ang kakayahan ng mga LGU sa pagpapaunlad ng imprastruktura, kahandaan sa sakuna, at paghahatid ng serbisyong panlipunan - lalo na sa mga lalawigang matinding naapektuhan ng mga nagdaang kalamidad. Ang pagtutok ng DBM sa disaster funds ay kasunod ng magkakasunod na bagyong tumama sa iba’t ibang rehiyon ngayong taon.