Nagpapasaklolo ang asawa ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa na mabigyan ng due process ang senador sa harap ng posibilidad ng paglabas ng arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC).
Ayon kay Senadora Imee Marcos, takot na takot umano si Nancy Dela Rosa, ang asawa ni Senador Bato, at umaasang mabibigyan ng karampatang hustisya ang mambabatas.
Kinumpirma ni Marcos na wala siyang direktang komunikasyon kay Dela Rosa at ang asawa lamang nito ang nagpaabot ng mensahe sa kanya.
Hindi na rin umano inabala pa ni Marcos ang asawa ng senador para tanungin kung nasaan si Senador Bato, dahil aniya, hindi rin naman daw ito sasabihin at ayaw na rin niyang malaman.
Gayunman, handa raw tulungan ni Marcos si Senador Dela Rosa sa abot ng kanyang makakaya—hindi upang mailigtas kung talagang may sala, kundi upang matiyak na mabibigyan ito ng tamang proseso at hindi na maulit ang nangyari kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa ngayon, panawagan ng senadora na ihinto ang pananakot at kung totoo raw na may warrant, ay ilabas ito. Kung wala naman, mas mabuting manahimik na muna.
Si Dela Rosa ay nahaharap sa mga kasong may kinalaman sa crimes against humanity dahil sa papel na ginampanan niya noong panahon ng madugong kampanya kontra droga ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Bilang dating hepe ng Philippine National Police at itinuturing na pangunahing opisyal ni Duterte, si Dela Rosa ang naglabas ng Command Memorandum Circular No. 16-2016 matapos niyang maupo bilang PNP chief.
Ang nasabing memorandum ang naging batayan ng Project Double Barrel, na siyang nagpasimula ng kampanya laban sa ilegal na droga ni Duterte na kalaunan ay nakilala bilang Oplan Tokhang.
---------
Kinumpirma ni Senate President Vicente Sotto III na may nakarating sa kanyang impormasyon na may nagtatangkang mapatalsik siya bilang lider ng Senado.
“We hear it every now and then [talks of a possible leadership coup]. It’s a common kuwento, story...One of two stories na meron daw lumalakad ganun lang,” pahayag ni Sotto.
Sinabi ni Sotto na ipinauubaya niya sa kanyang mga kasamahan kung ano ang kanilang magiging hakbang.
“Ako naman, I leave it to our peers. The Senate President is always, or the Senate President should always leave it to the wisdom in the trust and confidence of his colleagues,” dagdag ni Sotto.
Sinabi rin ni Sotto na hindi niya alam kung ilang senador ang nagbabalak na tanggalin siya sa puwesto bilang Senate President.
“Ay hindi ko alam. Hindi na namin pinag-usapan because tumatanggi naman sila,” ani Sotto.
Simula nang maluklok si Sotto bilang lider ng Senado matapos palitan si Sen. Francis “Chiz” Escudero ay ilang beses nang napaulat na may mga nagtatangkang mapalitan siya sa puwesto.
----------
Pagtutulungan ng mga manufacturer at ng Department of Trade and Industry (DTI) ang dahilan kaya napapanatiling pang abot-kaya ang mga Noche Buena item ngayong Pasko ngunit kailangan pa ng mas malalaki at mahahalagang hakbang para maging sustainable at stable ang presyo ng mga bilihin.
Ito ang sabi ni Federation of Philippine Industries (FPI) Chair Elizabeth Lee matapos ianunsiyo ng DTI ang Noche Buena price guide para sa 2025.
Ayon kay Lee, matagal nang sinasalo ng mga local manufacturer ang pagtataas ng presyo ng raw materials, logistics, packaging at iba pang gastos sa produksyon kaya naawat ang pagsirit ng presyo ng mga bilihin ngayong Kapaskuhan.
“Manufacturers have stepped up, absorbing higher costs from fuel, logistics, packaging, and raw materials¬—even as recent typhoons disrupted local supply chains,” sabi ni Lee. (Eileen Mencias)