Skip to content

November 12 - 7 am NEWS

November 12 - 7 am NEWS
CHESTER PANGAN
Nov 12, 2026 | 7:43 AM

Posibleng malampasan ng Commission on Elections (COMELEC) ang target nitong tatlong milyong bagong rehistradong botante para sa 2028 National and Local Elections, kasunod ng mataas na bilang ng mga nagparehistro sa unang dalawang araw ng voters registration.

Ayon kay COMELEC Chairman George Erwin Garcia, halos 80,000 na ang naitalang aplikasyon sa buong bansa mula nang magsimula ang registration noong Nobyembre 10.

Mas mataas ito kumpara sa nakaraang registration period noong Agosto 2025, kung saan nasa 20,000 lamang ang naitalang nagparehistro sa unang dalawang araw.

Ikinatuwa rin ni Garcia ang pagdagsa ng mga kabataan, partikular ang mga edad 17 at 18, na nagpapakita umano ng interes ng bagong henerasyon sa susunod na halalan.

Gayunman, sinabi ni Garcia na kabilang sa mga dahilan ng mahabang pila sa ilang registration sites, gaya ng Luneta Park, ang mga estudyanteng kailangang magpakita ng voter certification o patunay ng pagpaparehistro bilang requirement sa kanilang paaralan.

Dahil dito, nakipag-ugnayan na ang COMELEC sa mga paaralan upang hilinging palawigin ang kanilang deadlines at mabigyan ng sapat na panahon ang mga estudyanteng magparehistro.

Tatagal ang voters registration hanggang Hulyo 30, 2027, kung saan target ng COMELEC na makapagdagdag ng tatlong milyong botante upang umabot sa 74 milyon ang kabuuang registered voters bago ang 2028 elections.

---

Namahagi ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng Php 10,000 cash assistance sa 1,462 vendors sa Baclaran, Parañaque City na naapektuhan ng ipinatupad na security measures kaugnay ng ASEAN Summit 2026.

Bukod sa cash assistance sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS program), namahagi rin ang ahensya ng family food packs para sa mga vendor at kanilang pamilya.

Humingi naman ng paumanhin si DSWD Secretary Rex Gatchalian sa mga vendor at maliliit na negosyong pansamantalang napahinto ang operasyon dahil sa paghahanda sa seguridad ng mga lider na dadalo sa ASEAN Summit.

Ayon kay Gatchalian, layunin ng tulong na kahit paano ay mapalitan ang kita ng mga vendor na pansamantalang nawalan ng hanapbuhay.

Samantala, target din ng DSWD na mamahagi ng kaparehong ayuda sa tinatayang 700 hanggang 800 vendors sa bahagi naman ng Pasay City bukas, Nobyembre 13.

Tiniyak ng kalihim na makikipag-ugnayan din sila sa mga lokal na pamahalaan upang matukoy kung mayroon pang mga vendor na nangangailangan ng karagdagang tulong.