Skip to content

November 12 - 7 am NEWS

November 12 - 7 am NEWS
DONNA NATIVIDAD-ARENAS
Nov 12, 2025 | 7:30 AM

Libu-libong Manitobans ang nagtipon nitong Martes ng umaga sa RBC Convention Centre sa downtown Winnipeg para sa pinakamalaking Remembrance Day ceremony ng probinsya.
Taun-taon, umaabot sa halos 5,000 katao ang dumadalo sa seremonyang ito bilang pagpupugay sa mga Canadian veterans at miyembro ng militar na naglingkod at nagbuwis ng buhay para sa bansa.
Isinagawa ang isang minutong katahimikan eksaktong 11 a.m., bilang pag-alala sa armistice na nagtapos sa Unang Digmaang Pandaigdig noong Nobyembre 11, 1918.
Nakasuot ng uniporme ang mga sundalo sa entablado, napalibutan ng mga watawat ng Canada at mga korona ng bulaklak, habang taimtim na ginugunita ng mga dumalo ang okasyon.
Nagsimula ang seremonya bandang 10:40 a.m. at ipinapalabas din ito online para sa mga hindi nakadalo nang personal.

****

Pinalawak ng Manitoba Public Insurance (MPI), pamahalaang panlalawigan, at Royal Canadian Legion ang saklaw ng mga kwalipikadong makakuha ng veteran licence plate sa probinsya, bilang bahagi ng paggunita sa Remembrance Day.


Sa ilalim ng bagong regulasyon, maaari nang mag-apply ang mga kasalukuyang at dating miyembro ng Canadian Armed Forces, RCMP, mga peace officer na naglingkod sa special duty areas, at mga indibidwal na nakatapos ng military training at na-discharge nang may karangalan.
Dati, tanging mga Armed Forces members na may tatlong taong honorable service lamang ang maituturing na “veteran” at puwedeng kumuha ng espesyal na plaka.
Ayon sa MPI, mahigit 5,700 veteran licence plates na ang naibigay sa buong Manitoba — libre para sa lahat ng kwalipikadong aplikante.

***

Magbubukas na ngayong Huwebes ang pinakabagong Costco warehouse ng Winnipeg, ilang oras matapos isara ang matagal nang sangay sa St. James Street.
Matatagpuan ang bagong tindahan sa 4077 Portage Avenue West, malapit sa West Perimeter. Isasagawa ang ribbon-cutting ceremony sa umaga, na dadaluhan nina Premier Wab Kinew at Winnipeg Mayor Scott Gillingham, bago ito buksan sa publiko alas-7 ng umaga.

Ayon sa kumpanya, tampok sa bagong lokasyon ang mga pinakabagong produkto at serbisyo, kabilang ang hearing aid department, gas station na may 24 pumps, mahigit 1,000 parking spaces, at fresh sushi bar. Tinatayang 125 bagong trabaho ang nalikha sa bagong pasilidad.
Isasara naman ang lumang St. James Street warehouse alas-6 ng gabi ngayong Miyerkules, matapos ang halos 35 taon ng operasyon. Iko-convert ito bilang Costco Business Centre, na planong magbukas sa 2026 at mag-aalok ng mga produktong pangnegosyo na hindi karaniwang makikita sa mga regular na warehouse.