Skip to content

November 11 - 7 am NEWS

November 11 - 7 am NEWS
CHESTER PANGAN
Nov 11, 2026 | 7:58 AM

Kinuwestiyon ng mga abogado ni dating Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte ang testigo ng prosekusyon na nagsalaysay ng papel umano ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa sa madugong giyera kontra droga ng dating adminis¬trasyon.

Giit ng depensa, walang personal knowledge ang testigo kung paano ipinakalat ni Dela Rosa ang utos sa kanya ni Duterte.

Sa filing sa International Criminal Court (ICC), hiniling ng mga abogado ni Duterte na alisin ang dalawang prosecution witness na sina P-1334 at P-1348.

Base sa application ng prosekusyon, ang testimonya ni P-1334 ay tungkol sa naging papel umano ni Dela Rosa sa pagpapakalat ng utos ni Duterte na pumatay ng tao sa anti-drug campaign. Tinukoy rin ang target lists ng drug personalities at mga pagpatay na ginawa sa kampanya.

Nangatuwiran ang prosekusyon na ang testimonya ni P-1334 ay makakatulong upang mabuo ang umano’y polisiya para “i-neutralize” ang mga pinaghihinalaang kriminal, ang papel ng mga state actor para maipatupad ang polisiya at ang kontribusyon umano ni Dela Rosa sa common plan.

Binanggit dito ang dalawang insidente ng pagpatay, ang 2016 killings kay Albuera Mayor Rolando Espinosa at Raul Yap sa loob ng kulungan sa Leyte, at ang Incident 53, kung saan hindi pa natatalupan ang detalye.

Kinontra naman ng depensa kung may maitutulong si P-1334 sa umano’y naging papel ni Dela Rosa.

Si Dela Rosa ay may warrant of arrest na sa ICC pero hindi pa nahuhuli dahil kasalukuyan pa rin itong nagtatago sa Pilipinas.

---

Wala pang planong magdeklara ng state of calamity si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa mga lugar na apektado ng matinding El Niño dahil may mga ginagawa nang hakbang ang gobyerno para tulungan ang mga nasalanta.

Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro na patuloy na tinututukan ng Pangulo ang mga interbensiyon ng mga ahensiya gaya ng ayuda ng Department of Social Welfare and Development, mobile solar-powered irrigation system ng NIA at cloud seeding ng Department of Agriculture.

“Sa ngayon ay wala pang ganoong iniisip na pagdedeklara dahil natutugunan sa ngayon ang mga pangangailangan ng ating mga kababayan,” ani Castro.

Gayunman, sinabi niyang patuloy na susuriin ng pamahalaan kung kinakailangan ang deklaras¬yon depende sa epekto ng El Niño.

Nauna rito, hinimok ng 20 senador si Marcos Jr. na magdeklara ng state of calamity o state of imminent disaster upang mapabilis ang tulong sa mga apektadong lugar. (Prince Golez)