Skip to content

November 11 - 6 am NEWS

November 11 - 6 am NEWS
CHESTER PANGAN
Nov 11, 2026 | 7:13 AM

Bukas na ang Judicial and Bar Council (JBC) sa mga aplikante na nais maging Associate Justice ng Supreme Court (SC) upang punan ang nabakanteng puwesto ni Chief Justice Rodil Zalameda matapos itong italaga sa pinakamataas na posisyon sa hudikatura noong Nobyembre 6.

Ang bakanteng puwesto ni Zalameda ang unang kailangang punan sa SC, pero inaasahang madaragdagan pa ito sa Nobyembre 16 sa pagreretiro ni Associate Justice Amy C. Lazaro-Javier.

Tungkulin ng JBC na magsala ng mga aplikante at magsumite kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ng shortlist ng mga kuwalipikadong kandidato para sa mga bakanteng posisyon sa hudikatura.

Pinamumunuan nga¬yon ni Zalameda ang JBC bilang ex-officio chairperson kasunod ng kanyang pagkakatalaga bilang ika-28 Chief Justice ng bansa.

Sa pagtatapos ng 2026, inaasahang apat na bagong mahistrado ang itatalaga ni Marcos sa 15-kataong Korte Suprema. (Prince Golez)

---

Hindi dahilan ang 60 araw na import ban o pagbabawal sa pag-angkat ng baboy para tumaas ang presyo nito.

Ito ang inilahad ni Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) President Rosendo So sa programang “Walang Atrasan” sa Abante News TV kaugnay ng 60 day import ban sa baboy simula sa Nobyembre 24.

Paliwanag ni So, tumataas ang presyo ng baboy kapag holidays sa Disyembre dahil sa Kapaskuhan at hindi dahil sa presyo ng farmgate o dahil sa pagtaas ng presyo ng imported na baboy.

Dagdag pa niya, maaapektuhan nito ang importas¬yon simula Nov. 24 at hindi ang mga nakatakda nang dumating sa bansa bago pa ito ipatupad.

“‘Yung Nov. 24 ibig sabihin ‘yung mga shipment ng January 24, iyon ang makaka-affect, pero ‘yung mga parating..and ang ano naman ang stocks naman is 170 days so wala tayong nakitang pag-akyat ng presyo,” pagtiyak ni So.

“‘Yung mga ibang stakeholders sinasabi, mas malawak pa sana sa 60 days pero sa atin ang SINAG ang tingin naman natin is…‘yung 60 days eh pagdating ng January 24 pag-usapan ulit kung i-extend or puwede pa,” dugtong pa niya.

---

Makikipagpulong si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kay Brazilian President Luiz Inácio Lula da Silva sa kanyang pagbisita sa Pilipinas sa Nobyembre 14 at 15.

Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), ito ang kauna-unahang pagkakataon na bibisita sa bansa ang isang nakaupong pangulo ng Brazil.

Nakatakda ang bilateral meeting ng dalawang lider sa Philippine International Convention Center para talakayin ang pagpapalawak ng ugnayan ng Pilipinas at Brazil, kabilang ang pagtutulungan sa mga pandaigdigang usapin at mga bansang kabilang sa Global South.

Bahagi rin ng pagbisita ni Lula ang imbitasyon ni Marcos na dumalo sa plenary session ng 49th ASEAN Summit bilang Guest of the Chair. Ang Pilipinas ang magsisilbing chairman ng ASEAN sa nasabing summit.

Ayon sa PCO, mahalaga ang pagbisita ni Lula dahil kasabay ito ng ika-80 anibersaryo ng pagkakatatag ng diplomatikong ugnayan ng Pilipinas at Brazil ngayong 2026. (Prince Golez)