Bineberipika ng Philippine National Police (PNP) ang tinatayang 500 tips sa posibleng pinagtataguan ni Senator Ronald “Bato” Dela Rosa, para maisilbi ang warrant of arrest na inisyu ng International Criminal Court.
Ayon kay PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., bineberipika at nagsasagawa na rin ng operasyon ang pulisya sa iba’t ibang bahagi ng bansa para malaman ang katotohanan sa mga natanggap nilang lead.
“There are not less than 500 information na dumating na and those were properly validated, pinuntahan natin. Diffe-rent area¬s from Western, Eastern Mindanao, Visayas, Bicol, Southern Tagalog, Northern or Central Luzon,” paglalahad ng PNP chief.
Binanggit pa ni Nartatez na nakatanggap din sila ng impormasyon sa isang isla na hindi pa niya naririnig kailanman pero para makasiguro ay pinapuntahan niya ito sa mga pulis para lang maberipika.
---
Tinuldukan ni dating Vice President at ngayon ay Naga City Mayor Leni Robredo ang mga espekulasyon na tatakbo siya sa 2028 presidential elections sa pagsasabing “sarado” na ang isyung ito.
Ayon kay Robredo, hindi na magbabago ang kanyang pasya na huwag tumakbo sa national position kahit na magdesisyon siyang iwanan ang City Hall ng Naga.
“Mayo nang anything na makakapag-pabago… dawa ma-decide ako later on dae na ako ma-mayor, dae na ako mabalik sa national (wala nang anything na makapagpapabago ng isip ko. Kahit mag-decide na hindi na ako mag-mayor, hindi na ako babalik sa national),” wika ng alkalde sa lengguwaheng Bicolano sa interview ng Naga-based radio station.
“Hindi ako tatakbo for president, hindi talaga ako tatakbo,” dugtong pa niya.
Sa naturang interview, pinabulaanan din ni Robredo ang alegasyon na kaya siya kinausap nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Department of Transportation Secretary Vince Dizon ay para pagplanuhan ang presidential bid nito sa 2028.
Umaasa naman ang mga miyembro ng Liberal Party (LP) na magbabago ang isip ni Robredo at tatakbo ito sa pagka-pangulo sa 2028 elections.
Ayon kay House Senior Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal party-list Rep. Leila de Lima si Robredo ang nakikita nilang best hope ng bansa.
“Hindi pa kami nag-uusap mga LP, but I’m sure ganu’n din ‘yung nararamdaman ng the rest of the LP. Umaasa talaga kami na magbabago pa ‘yung kanyang desisyon,” sabi ni De Lima sa isang panayam nitong Lunes. (Billy Begas)