Pinabulaanan ng Korte Suprema ang kumakalat na mga post sa internet ukol sa umano’y pahayag ni Chief Justice Alexander Gesmundo hinggil sa arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC) laban kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa.
Ayon sa mga pekeng post, naglabas daw ng kautusan si Chief Justice Gesmundo upang harangin ang pagpapatupad ng nasabing warrant. Ngunit sa inilabas na opisyal na abiso ng Supreme Court, tinawag itong “fake news.”
Nilinaw ni SC spokesperson Camille Ting na walang anumang pahayag na ibinigay ang Punong Mahistrado kaugnay ng naturang isyu.
Matatandaan, nauna ng ibinunyag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na may inisyu na ang ICC na arrest warrant laban kay Dela Rosa bilang posibleng kasamang akusado ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, na kasalukuyang nakakulong sa The Hague dahil sa inaakusang crimes against humanity laban sa kaniya may kaugnayan sa umano’y mga pagpatay sa ilalim ng war on drugs.
----
Nasa isang milyong residente ang inilikas sa Luzon at Visayas sa paghagupit ni super typhoon Uwan na nagsimulang manalasa kahapon sa Bicol Region.
Sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at ng pulisya, nasa 270,682 pamilya o 916,863 ang inilikas sa Ilocos (Region 1); Cagayan Valley (Region II), Cordillera Administrative Region (CAR), Central Luzon (Region 3), Calabarzon (Region 4A), Mimaropa (Region 4B), Bicol (Region V), Western Visayas (Region VI), Central Visayas (Region VII), at Eastern Visayas (Region VIII).
Samantala sa report ng Catbalogan City Police, dalawa katao na ang nasawi, isang 64-anyos na babae na nadaganan ng debris at nabuwal na punong kahoy habang lumilikas. Kasalukuyan namang bineberipika ng Office of Civil Defense (OCD) ang ulat sa pagkamatay ng isa pang katao na nalunod sa Viga, Catanduanes.
Sinabi ni Office of Civil Defense (OCD) Deputy Administrator Assistant Secretary Bernardo Rafaelito Alejandro IV na si super typhoon Uwan ay may dalang malakas na hangin na nasa 185 kilometers per hour (kph) bawat oras at pagbugso na 230 kph.
“As we speak, Region 5 has reported that they are currently experiencing strong winds and moderate to heavy rains, especially in Catanduanes. All provinces, except Sorsogon, as of 9 a.m. earlier, have no electricity, some of which were preemptively shut down,” ayon kay Alejandro.
Sa 5 pm weather bulletin ng PAGASA, nakataas ang Signal No. 5 sa southern portion ng Quirino, southern portion ng Nueva Vizcaya, northeastern portion ng Nueva Ecija, central portion ng Aurora, Polillo Islands at northern portion ng Camarines Norte.
Signal no. 4 sa southern portion ng Isabela, nalalabing bahagi ng Quirino, nalalabing bahagi ng Nueva Vizcaya, southern portion ng Mt. Province, southern portion ng Ifugao, Benguet, southern portion ng Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, nalalabing bahagi ng Aurora, nalalabing bahagi ng Nueva Ecija, northernmost portion ng Zambales, northeastern portion ng Tarlac, easternmost portion ng Pampanga, eastern portion ng Bulacan, northern portion ng Rizal, northern at eastern portions ng Quezon, nalalabing bahagi ng Camarines Norte, northern portion ng Camarines Sur, northern portion ng Catanduanes.
Signal no. 3 sa southern portion ng mainland Cagayan, nalalabing bahagi ng Isabela, northwestern, central, at southern portions ng Apayao, Abra, Kalinga, nalalabing bahagi ng Mt. Province, nalalabing bahagi ng Ifugao, Ilocos Norte, nalalabing bahagi ng Ilocos Sur, nalalabing bahagi ng Zambales, Bataan, Tarlac, nalalabing bahagi ng Pampanga, nalalabing bahagi ng Bulacan, Metro Manila, Cavite, Batangas, nalalabing bahagi ng Rizal, Laguna, nalalabing bahagi ng Quezon, Marinduque, nalalabing bahagi ng Camarines Sur, nalalabing bahagi ng Catanduanes, Albay, Sorsogon, Ticao at Burias Islands, at northwestern portion ng Northern Samar.
Inaasahang magla-landfall si Uwan sa lalawigan ng Aurora o Isabela Linggo ng gabi o ngayong Lunes ng umaga.