Skip to content

May 8 - 6 am NEWS

May 8 - 6 am NEWS
DONNA NATIVIDAD-ARENAS
May 08, 2026 | 8:18 AM
Nakipagpulong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kina Thai Prime Minister Anutin Charnvirakul at Cambodian Prime Minister Hun Manet upang talakayin ang lumalalang border conflict ng dalawang bansa.
Ayon sa mga pag-aaral, umabot na sa mahigit 100 ang nasawi at libo-libong residente ang lumikas dahil sa mga sagupaan sa hangganan. Bilang ASEAN Chair, iginiit ng Pilipinas na mahalagang magkaroon ng espasyo para sa mapayapang diyalogo at diplomatic engagement.
Binigyang-diin ni Marcos ang prinsipyo ng ASEAN tulad ng respeto sa soberanya, non-interference, at peaceful settlement of disputes. Ayon sa kanya, nagkaroon ng bukas na talakayan at ilang posibleng kasunduan at hakbang para mapababa ang tensyon.
Nagkasundo rin ang Thailand at Cambodia na iwasan ang mga aksyong magpapalala ng sigalot at ituloy ang komunikasyon sa pamamagitan ng kani-kanilang foreign ministries upang maibalik ang tiwala at katatagan sa rehiyon.
 
**
Tiniyak ng Department of Health (DOH) sa publiko na kanilang minomonitor at pinaghahandaan ang anumang posibilidad ng hantavirus outbreak.
Ayon kay Health Spokesperson USec. Albert Domingo, sinusuri na ng ahensiya ang kanilang mga laboratoryo at mayroon din aniyang Polymerase Chain Reaction (PCR) machines, na ginamit noong COVID-19 pandemic at kailangan lamang aniyang palitan ang primer nito.
Aniya, ang tatlong institusyon sa bansa ay mayroong electron microscope, na makatutulong para matukoy ang virus habang inaantay ang PCR primer.
Bukod dito, nakikipag-ugnayan na rin ang DOH sa Bureau of Quarantine. Ayon sa DOH official, iniulat ni BOQ Director Roberto Salvador Jr. na direktang nakikipag-ugnayan ang bureau sa counterparts nila sa ibang bansa sa pamamagitan ng International Health Regulations.
***
Hindi na ikinagulat ni Atty. Virgilio Ligutan ang desisyon ng Quezon City Regional Trial Court Branch 81 na tuluyang ibasura ang petisyon ni Atty. Mans Carpio na naglalayong ipatigil ang impeachment hearing laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Ligutan, isa sa mga complainant laban sa pangalawang pangulo, ipinapakita lamang ng desisyon na walang nilabag na batas o pamamaraan ang House Committee on Justice sa isinasagawang proceedings.
Binigyang-diin din niya na ligal ang ginawa ng panel na magpa-subpoena sa mga record ng mag-asawang Duterte at Carpio, taliwas sa ipinupunto ng kanilang kampo.
Kabilang sa mga dokumentong hiniling sa subpoena ang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN), bank records, Anti-Money Laundering Council records, at iba pa.