Skip to content

May 7 - 7 am NEWS

May 7 - 7 am NEWS
CHESTER PANGAN
May 07, 2026 | 8:51 AM

Isinusulong ng Department of Health (DOH) ang total ban laban sa vape.

Sa ilalim nito, tuluyan nang ipagbabawal ang paggamit ng vape bunsod na rin ng panganib na dulot nito sa kalusugan ng taong gumagamit nito.

Ayon kay DOH OIC-Director Dr. Dominic Maddumba, sakali naman umanong hindi posible ang total ban ay dapat na magpatupad na lang ng restriksiyon dito.

Tinukoy ni Maddumba na dapat ay gawin itong plain tobacco na lamang at huwag nang magkaroon ng iba’t ibang flavor upang hindi mahikayat ang mga kabataan na gumamit nito.

Una nang sinabi ng DOH na mapanganib ang e-cigarettes at mga produktong tabako dahil maaari itong magresulta sa pagkakaroon ng cardiovascular disease, cancer, at iba pang sakit sa baga.

---

 Naniniwala si Vice President Sara Duterte na ang Diyos ang may kagustuhan kung tuluyan siyang ma-impeached sa puwesto.

Sa isang panayam sa The Hague, Netherlands, sinabi ni VP Sara na sa pag-uusap nila ng amang si dating Pang. Rodrigo Duterte, natalakay nila na ang lahat ng nangyayari sa buhay ng tao ay isinulat ng Panginoon.

Kaya’t kung mai-impeached aniya siya ay ang Panginoon ang may kagustuhan nito.

“Based on our discussion earlier by (former) president Duterte, everything that happens in a person’s life is written by God. So, if I am impeached, that is written by God. If I am not impeached, see you…,” ani VP Sara.

Nauna rito, sinabi ni House committee on justice chairperson Rep. Gerville Luistro na ang lahat ng 318 miyembro ng House of Representatives ay binigyan ng hanggang Linggo upang pag-aralan at i-assess ang Articles of Impeachment na inaprubahan ng  justice committee, bago ang plenary vote sa Mayo 11.

---

Opisyal nang sinimulan nitong Huwebes, Mayo 7 ang dalawang araw na ASEAN Summit and Related Meetings sa Cebu.

Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga talakayan kung saan ang Pilipinas ang chairman ng summit ngayong taon

Sumentro ang mga pulong sa pagpapalakas ng seguridad sa enerhiya at pagkain, suporta sa mga magsasaka at Micro, Small and Medium Enterprises at proteksiyon ng mga mamamayan ng ASEAN.

Dumating ang Pangulo sa Cebu nitong Miyerkoles ng gabi kasama si First Lady Liza Araneta- Marcos at ilang mga opisyal ng gobyerno.

Maagang nagsimula ang pulong sa ASEAN Economic Community Council Meeting at sentro ng talakayan ang trade and investment, digital economy, pagpapalakas sa kooperasyon para suportahan ang mga negosyo, paglikha ng mga trabaho at pagbubukas ng mga oportunidad para sa mamamayan sa buong ASEAN Region. (Aileen Taliping)