Nabigo ang petisyong inihain ni Atty. Mans Carpio na mapigilan ang impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.
Ito’y makaraang ibasura ng Quezon City Regional Trial Court (RTC) Branch 81 ang reklamo ng kampo ni Carpio.
Ayon sa korte, walang hurisdiksyon ang RTC para makialam sa kapangyarihan ng House of Representatives na magsagawa ng impeachment proceedings alinsunod sa Konstitusyon.
Tinanggihan din ng korte ang hiling na writ of preliminary injunction laban kina House Speaker Bojie Dy, House Committee on Justice chairperson Rep. Gerville Luistro, at BIR Commissioner Charlito Martin Mendoza.
Binigyang-diin ng hukuman na may kapangyarihan ang House Committee on Justice na mag-isyu ng subpoena bilang bahagi ng kanilang constitutional mandate sa impeachment process.
*
Naghain ng reklamo si Department of Energy (DOE) Secretary Sharon Garin laban kay Batangas Rep. Leandro Leviste, bilang chairman at pesidente kasama ang board members ng Solar Para Sa Bayan Corp. (SPSB) nitong Mayo 6 sa Department of Justice.
Inakusahan sila ng kabiguang tuparin ang obligasyon sa 25-year franchise na magbigay ng kuryente sa mga liblib na lugar.
Ayon sa DOE, pitong taon na ang nakalipas mula nang bigyan ng prangkisa noong 2019 ang kumpaniya subalit hindi umano nagamit o nakapag-operate nang maayos, na paglabag sa Republic Act 11357.
Sinasabing “knowingly and willfully neglected, failed, or omitted” ang kumpanya na gawin ang kanilang tungkulin, ayon sa reklamo na isinampa sa DOJ.
Nanguna ang Land Transportation Office (LTO) at Social Security System (SSS) sa listahan ng mga ahensiya ng gobyerno na may pinakamaraming reklamo noong buwan ng Marso, ayon sa Anti-Red Tape Authority (ARTA).
Batay sa datos ng ARTA, umabot sa 152 ang kabuuang reklamo na kanilang natanggap, kung saan 132 na ang naresolba at 20 ang nananatiling aktibo. Samantala, nakapagtala ang SSS ng 156 na reklamo, kung saan 112 na ang naresolba at 44 ang nakabinbin pa.
Ayon kay ARTA Secretary Ernesto Perez, karamihan sa mga reklamo ay may kinalaman sa pagkaantala ng serbisyo, karagdagang requirements, at paglabag sa Citizen’s Charter.
Giit ni Perez, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng ARTA sa mga ahensiya upang mapabuti ang kanilang serbisyo at mabawasan ang red tape.
May 7 - 6 am NEWS
May 07, 2026 | 7:47 AM