Skip to content

May 6 - 7 am NEWS

May 6 - 7 am NEWS
CHESTER PANGAN
May 06, 2026 | 9:26 AM

Pinalagan ng Atin Ito Coalition ang ulat ng Chinese media kung saan inaakusahan ng Chinese Coast Guard (CCG) ang mga Filipino volunteers na nag-iwan ng basura sa Pag-asa Cay 2.

Sa exclusive report ng Global Times, makikita ang mga larawan ng mga miyembro ng CCG na itinuturo ang mga bote sa lugar. Makikita ring nagtirik sila ng Chinese flag sa sandbar.

Giit ng grupo, walang katotohanan ang akusas­yon at peke lamang ang naturang balita na ang layunin ay siraan ang kanilang civilian mission sa WPS.

“Para po sa amin, nandito na naman sila sa kanilang mga fake news. Ito po ay isang desperate attempt na para i-refrain nila ang aming narrative na principled civilian mission. At i-discredit nila kami doon sa ginawa naming mission,” ayon kay Akbayan Rep. Dadah Kiram Ismula, na kasama sa misyon.

“Siguro kaya nila ginawa din iyong kanilang actions din doon sa Sandy Cay. Sa tingin namin, ito ay very poor. Ito ay very poor copycat po ng ginawa nila,” aniya pa.

Nanindigan din siya na ang China pa nga ang dapat na tawagan ng pansin dahil sa ginagawang environmental destruction. 

“Sila nga rin po ang tunay na naninira ng ating mga coral reefs, nagnanakaw ng ating mga taklobo, and iyong accusation nila, hindi po ito totoo. Samantalang, may gamit pa po akong body cam, at naroon pa nga po iyong ating drone shots,” anang mambabatas.

“Kung makikita in less than 10 minutes lang po kami nag-stay doon at wala pong basura na iniwan namin. Kung tutuusin sila po iyong nagtanim basura doon sa Sandy Cay,” aniya pa.

---

 Pinaaamyendahan ni Negros Occidental 3rd District Rep. Javier Miguel Benitez ang Republic Act No. 10659 o ang Sugarcane Industry Development Act of 2015 (SIDA). Ito ay para simulan ang malawakang reporma para patatagin ang industriya ng asukal.

Sa ilalim ng House Bill No. 9088 o Tunay na Ugnayan, Buhay, at Oportunidad sa Asukal (TUBO) Act of 2026, layunin nito na tugunan ang patuloy na pabagu-bagong kalagayan sa produksyon, presyo, at suplay ng asukal na iniuugnay ng mga stakeholder sa mga kakulangan ng regulasyon, patakaran sa pag-angkat, at pagpapatupad ng mga programa.

Nakasaad sa panukala na palalawakin ng Sugar Regulatory Administration (SRA) ang kapangyarihan para i-regulate hindi lamang ang asukal kundi maging ang sugar substitutes tulad ng high-fructose corn syrup at iba pang caloric at non-caloric sweeteners. 

Layunin din ng panukala na punan ang mga kakulangan sa regulasyon na ayon sa industry groups ay nagdulot ng oversupply at market distortion dulot ng sobrang importasyon dahilan para magbunga ng downward pressure sa farmgate prices.

Kasama sa panukala ang mga probisyon para sa mekanismo ng price support, emergency cash assistance para sa mga apektadong magsasaka, subsidiya para sa angkop na mga input sa sakahan, at pansamantalang loan relief program para sa mga small planters.