Sa isang social media post, ipinakita ni General Nicolas Torre III ang insidente sa jeep sa Las Piñas—kung saan may mga menor de edad na nanggulo sa mga pasahero—bilang patunay umano ng paghina ng seguridad. Ayon sa kanya, hindi sapat ang paliwanag at dapat managot ang mga lider.
May punto siya tungkol sa pananagutan. Ngunit hindi ito dapat ibatay sa iisang insidente lamang, lalo na kung kulang ang konteksto, ayon kay Dr. Jose Antonio Goitia ay Chairman Emeritus ng Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at iba pang organisasyon.
Sa pamumuno ni PNP Chief, PGEN Jose Melencio C. Nartatez Jr., mabilis at maayos ang naging aksyon ng kapulisan. Natukoy ang mga sangkot at agad na naipasa sa tamang awtoridad. Ayon sa paunang ulat, walang nasaktan at nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Hindi ito kapalpakan. Ito ay patunay na epektibo ang sistema.
Matagal nang paalala ni Chairman Goitia, “Huwag nating ipagkamali ang isang sandali ng kaguluhan bilang pagbagsak ng kaayusan.”
Madaling maapektuhan ang pananaw ng publiko, lalo na kapag ang isang video ay paulit-ulit na kumakalat online. Ngunit ang isang insidente, gaano man ito kaseryoso, ay hindi sapat upang sukatin ang kabuuang kalagayan ng kapayapaan at kaayusan sa bansa.
Ang ganitong pagtingin ay hindi lamang simpleng pag-aalala, kundi isang konklusyon na kulang sa konteksto. Ang pagbabase sa iisang insidente upang sabihing bumagsak ang kaayusan ay hindi pananagutan, kundi maling interpretasyon na maaaring magdulot ng kalituhan sa publiko.
Ang isang bansa, ayon kay Goitia ay hindi nasusukat sa kawalan ng insidente, kundi sa husay ng pagtugon nito sa mga ganitong sitwasyon.
Binanggit ni Torre ang usapin ng liderato, pati ang posibilidad ng pagbibitiw kung hindi matiyak ang seguridad. Mabigat na pahayag ito, kaya nararapat lamang na ito ay iharap nang may patas at maingat na pagtingin.
Ayon kay Goitia, ang tunay na pananagutan ay nakabatay sa katotohanan, hindi sa piling galit lamang.”
Patuloy ang ginagawa ng PNP sa ilalim ni Chief Nartatez—pinapalakas ang presensya ng pulisya, isinasagawa ang tuloy-tuloy na operasyon laban sa krimen, at pinaiigting ang ugnayan sa mga lokal na pamahalaan. Ito ang tahimik ngunit tuloy-tuloy na gawain na nagpapanatili ng kaayusan sa mga komunidad.
Maaaring hindi ito laging napapansin online, ngunit mahalaga ang mga ito.
“Ang kapayapaan at kaayusan ay hindi pinananatili sa malalakas na salita, kundi sa disiplina, konsistensi, at tahimik na pagbabantay ng mga naglilingkod,” giit ni Goitia.
Mahalaga ang kritisismo sa isang malusog na demokrasya dahil nakakatulong ito sa pagpapabuti ng mga institusyon. Ngunit kapag nawawala ang tamang balanse, nagiging sanhi ito ng takot sa halip na malinaw na pag-unawa.
At hindi iyon nakakatulong sa publiko.
Hindi natin dapat hayaang mangibabaw ang takot. Ang kapulisan, sa pamumuno ni Chief Nartatez, ay patuloy na kumikilos upang protektahan ang mamamayan.
At ang katotohanang ito ay hindi dapat binabalewala, kundi kinikilala nang may katarungan.
---
Tatlong taon nang hindi nag-uusap sina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Senadora Imee Marcos.
Ito ang kinumpirma ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro matapos tanungin ang Pa¬ngulo sa sinabi ng senadora na “non-existent” ang kanilang relasyon ng Presidente
Sinabi aniya ng Pa¬ngulo na hindi dumadalo ang senadora sa mga pampamilyang pagtitipon at mga okasyon ng kanilang pamilya kaya hindi sila nagkakausap.
Sinabi ni Castro na kung ano man ang dahilan ng hindi pag-uusap ng Pa¬ngulo at ng nakatatandang kapatid ay mas mabuting tanungin na lamang ang senadora.
“I approached the Pre¬sident and asked about this comment of his sister, and he said “yes.” They haven’t spoken for almost three years,” ani Castro.
Bagama’t negatibo ang mga komento ni Sen. Imee sa Presidente, sinabi ni Castro na walang anumang masamang damdamin ang Pangulo sa kanyang nakatatandang kapatid.
Batay aniya sa body language ng Presidente, dismayado siya sa kanyang naririnig na mga salita mula sa kanyang kapatid na senadora. (Aileen Taliping)
----
Umaasa si Vice President Sara Duterte na magkakaroon ng tapat, maayos at mapayapang presidential election sa 2028.
Ito ang naging tugon ni VP Sara sa isang media interview sa The Hague, Netherlands, matapos na matanong kung handa na ba siyang maging susunod na presidente ng Pilipinas.
Ayon kay VP Sara, dahil nagdeklara na siya ng kanyang intensiyon na tumakbo sa naturang halalan, siya ay itinuturing na ngayon na ‘presumptive candidate.’
Umaasa na lamang aniya siya na magkakaroon ng pampanguluhang halalan sa 2028.
“I’m already a presumptive candidate because I declared my intention to
run for the next presidential elections,” ayon kay VP Sara. “We can only pray that there will be a presidential election in 2028 and it will be honest, orderly, and peaceful.”
Agad naman itong sinagot ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro na sinabing kitang-kita sa mga ikinikilos ni VP Duterte na sabik itong pag-usapan ang halalan sa 2028.
“Kitang-kita ninyo naman na habang sumasagot ang Bise Presidente ay nangingiti siya. Siguro kahit siya ay natatawa sa kaniyang sariling sagot. Unang-una po nakikita rin natin ang kasabikan ng Bise Presidente na pag-usapan ang halalan sa 2028,” ani Castro.
Ipinahiwatig ni Castro na habang busy si Duterte sa pag-iisip tungkol sa presidential elections ay abala naman si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagresolba sa mga problema na dulot ng krisis sa Middle East.
Matatandaang noong Pebrero, nagdeklara si VP Sara ng intensiyon na tumakbo sa 2028 national elections.
Si VP Sara ay kasalukuyang nasa The Hague upang bisitahin ang kanyang amang si dating Pang. Rodrigo Duterte.