Skip to content

May 5 - 7 am NEWS

May 5 - 7 am NEWS
CHESTER PANGAN
May 05, 2026 | 9:13 AM

Tiwala ang Philippine National Police (PNP) na malapit nang maaresto sina gambling tycoon Charlie “Atong” Ang, na sangkot sa missing sabungeros at dating Ako Bicol Cong. Zaldy Co na sangkot naman sa flood control scam.

Ayon kay PNP chief Jose Melencio Nartatez Jr., patuloy ang ­operasyon ng pulisya gamit ang mga umiiral na plano at koordinasyon sa iba’t ibang ahensiya.

“May operational plan na at tuluy-tuloy ang pagtutok ng ating mga team. Soon, mahuhuli rin natin sila,” ani Nartatez.

Si Ang ay may mga warrant of arrest dahil sa kasong kidnapping with homicide at serious illegal detention kaugnay ng nawawalang mga sabungero.

Bagamat patuloy sa pagtanggi si Ang sa mga akusasyon may Interpol red notice laban sa kanya, at may alok na P20 milyong pabuya para sa kanyang ikadarakip.

Samantala, si Co at 17 iba pa ay nahaharap sa kasong graft at malversation na isinampa ng Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan kaugnay ng umano’y anomalya sa P289 ­milyong flood control project sa Oriental Mindoro.

Iniuugnay ang proyekto sa Sunwest Corp. na kumpanyang pag-aari umano ng pamilya ni Co na  umano’y “non-existent” at substandard. Mariing itinanggi ni Co ang akusasyon.

Nauna nang sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na naaresto si Co sa Prague dahil sa isyu sa travel documents, ngunit kalaunan ay kinumpirma ni Justice Secretary ­Fredderick Vida na wala na ito sa kustodiya ng Czech authorities. Huli itong namataan sa France noong Mayo 1.

----

Sina Vice President Sara Duterte, dating Vice President Leni Robredo at Sen. Raffy Tulfo ang nangungunang presidentiables sa 2028 presidential, base sa pinakabagong presidential preference survey ng Pulse Asia Research Inc. na isinagawa noong Pebrero 27 hanggang Marso 2, 2026.

Sa nasabing survey, kung pagtatapatin sina Duterte at Robredo ay bahagya lamang na lumamang si Duterte matapos na makakuha ng 51% ratings kumpara kay Robredo na may 43%.

Nakalamang si Duterte sa Mindanao (93%) at sa Visayas (67%) habang nakopo ni Robredo ang Balance Luzon (67%).

Nanguna rin si Robredo sa National Capital Region (NCR) sa ratings na 42%, ngunit dikit si Duterte (41%).

Pagdating sa socio economic class, mas pinapaboran si Robredo ng Class ABC (63%) habang si Duterte sa Class D (53%) at Class E (74%).

Samantala, nang itapat naman si Duterte kay Tulfo, nagkaroon ang dalawa ng statistical tie o tig-46% ratings.

Malakas pa rin ang suporta ng bise presidente sa Mindanao (90%) at Visayas (64%) habang ang senador ay lumamang sa Balance Luzon (72%), kumpara sa 19% ni Duterte.

Tulad ni Robredo, si Tulfo rin ang nanguna sa Class ABC matapos na makakuha ng 49% ratings habang suportado si Duterte ng Class E, 63%. Dikit naman ang dalawa sa Class D, si Duterte ay 48% habang si Tulfo ay 47%.

Nasa 6%-7% pa ng mga Pinoy ang nananatiling “undecided”.