Skip to content

May 5 - 6 am NEWS

May 5 - 6 am NEWS
DONNA NATIVIDAD-ARENAS
May 05, 2026 | 8:18 AM

Mariing itinanggi ni Rep. Rolando Valeriano ng Manila 2nd District ang alegasyon ni Davao City Rep. Paolo “Polong” Duterte na ang mga kongresistang bumoto pabor sa impeachment laban kay Vice President Sara Duterte ay umano’y nasuhulan o tinakot.
Giit ni Valeriano, kung totoo man ang paratang, dapat maglabas ng malinaw na ebidensya si Rep. Duterte upang patunayan ang kanyang mga pahayag.
Dagdag pa ni Valeriano, nakapagtataka na si Polong lamang ang maingay sa isyu, samantalang ang iba pang mga mambabatas na kaalyado ng administrasyong Duterte ay kabilang din sa mga nakinabang sa mga proyekto.
Bilang kapatid ng pinapa-impeach na bise presidente, hindi umano maiaalis ang pananaw na ang hakbang ni Polong ay pagtatanggol lamang sa interes ng kanyang kapatid.
 
Mariing tiinututulan ng drug war victims ang “Request for Leave to Appeal” o kahilingan para sa pahintulot na mag-apela ang kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa confirmed charges laban sa kaniya.
Sa 12 pahinang dokumento na may petsang Mayo 4, ikinatuwiran ng common legal representatives of the victims (CLRV) na nabigo ang depensa na matukoy ang anumang isyu na tumutugon sa mga kinakailangan sa ilalim ng probisyon ng Rome Statute.
Sinabi ng mga kinatawan ng mga biktima na ang naturang kahilingan ng depensa ay inuulit lamang ang mga argumentong napagdesisyunan na at tinanggihan na ng Pre-Trial Chamber I.
Idinagdag nila na ito ay nagpapakita lamang ng hindi pagkakasundo ng depensa sa rason at pagsusuri ng Chamber sa mga ebidensya, sa halip na magtaas ng bagong legal na katanungan.
 
**
Kinumpirma ni Department of Health (DOH) Spokesperson Undersecretary Albert Domingo na mayroong sakay na 38 Pilipinong crew members ang MV Hondius.
Ito ay isang cruise ship na pinagsususpetsyahang may hantavirus outbreak na kumitil na ng tatlong katao. Nakadaong ang cruise ship sa Cabo Verde sa Atlantic Ocean.
Ayon kay USec Domingo, may sakay na mahigit 100 pasahero at crew members ang naturang cruise ship kung saan 38 rito ay mga Pilipino.
Subalit, nilinaw ng DOH official na walang sakit ang mga Pilipinong crew members, base na rin sa World Health Organization (WHO) at International Health Regulations.
 
 
 Pinagbawal na ng Manitoba Legislature  House Speaker na si Tom Lindsey ang paggamit ng mga salitang tulad ng “racist,” “transphobic,” “bigot,” “misogynist,” at “homophobe” sa loob ng legislative chamber dahil sa lumalalang bastusan at kawalan ng respeto sa mga debate sa lehislatura.
Ayon kay Lindsey, maraming reklamo mula sa publiko at maging sa mga estudyanteng bumibisita sa legislature na naaalarma sa ingay at name-calling ng mga pulitiko. Sa ilalim ng bagong rules, puwedeng pagsabihan, papag-withdrawin ng pahayag, o paalisin sa session ang sinumang lalabag.
Gayunpaman, iginiit ng ilang miyembro ng New Democratic Party na baka mahirapan silang tawagin ang mga isyung may kinalaman sa diskriminasyon dahil sa bagong patakaran.
Samantala, isang MLA ang pinatalsik sa session matapos hindi makapagbigay ng malinaw na paghingi ng paumanhin, patunay na mas hihigpitan na ang disiplina sa loob ng kapulungan.