Skip to content

May 4 - 8 am NEWS

May 4 - 8 am NEWS
DONNA NATIVIDAD-ARENAS
May 04, 2026 | 8:30 AM
Magdedeploy ng mga barko at eroplano ang Philippine Coast Guard o PCG matapos matukoy ang apat na Chinese research vessels na nagsasagawa umano ng ilegal na marine scientific research sa loob at malapit sa mga katubigan ng bansa.
Ayon sa PCG, ang presensya ng mga barko ay paglabag sa United Nations Convention on the Law of the Sea  dahil wala silang pahintulot mula sa gobyerno ng Pilipinas. 
Kabilang sa mino-monitor ay ang Xiayanghong 33, Shi Yan 1, Jia Geng, at Zhuhaiyun, na pawang may kakayahang magsagawa ng deep-sea at advanced oceanographic research gamit ang high-tech equipment, sensors, at unmanned vehicles.
Ang mga barko ay namataan sa iba’t ibang lokasyon malapit sa mga katubigan ng Palawan, Batanes, at Pangasinan.
***
Hinamon ni House Committee on Public Accounts Chairman at Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon, si Davao City Rep. Paolo ”Pulong” Duterte na maglabas ng ebidensya hinggil sa kanyang paratang na tatanggalan umano ng pondo ang mga kongresista kapag hindi susuportahan ang impeachment complaint laban kay Sara Duterte.
Ayon kay Ridon, mahalagang patunayan ni Rep. Paolo Duterte ang kanyang mga pahayag sa halip na basta maglabas na lang ito ng akusasyon sa social media.
Kasabay nito, hinamon din ng mambabatas si Pulong na ipakita ang kanyang tapang sa pamamagitan ng aktibong pagdepensa sa impeachment complaint laban sa Bise Presidente sa plenaryo ng Kamara de Representantes.