May 04, 2026 | 6:30 AM
Nakatakdang pagtibayin ngayong Lunes, Mayo 4, ng House Committee on Justice ang ulat na nagrerekomenda ng Articles of Impeachment sa Senado laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay House Justice Committee Chair at Batangas 2nd District Rep. Gerville Luistro, natapos na ng komite ang pagsusuri kung may probable cause ang mga ebidensyang iniharap sa kanila.
Lumitaw sa pagdinig ang ilang mabibigat na alegasyon, kabilang ang umano’y maling paggamit ng P612.5 milyon na confidential funds, kung saan P125 milyon umano ang nagastos sa loob lamang ng 24 na oras.
Pinuna rin ng House Committee on Good Government and Public Accountability ang “envelope system” at umano’y kahina-hinalang mga resibo. Sa hiwalay na forensic analysis ng National Bureau of Investigation (NBI), lumabas umano ang pamemeke ng mga pirma.
***
Umabot na sa 52 barangay ang apektado ng ashfall bunsod ng patuloy na pagtaas ng aktibidad ng Bulkang Mayon, ayon sa Office of Civil Defense nitong Sabado, Mayo 2, 2026.
Batay sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology, magkakasunod na volcanic activity ang nagdulot ng makapal na abo na tumakip sa iba’t ibang bahagi ng Albay.
Bandang alas-4:28 ng hapon, nagkaroon ng lava collapse sa summit ng bulkan na nag-generate ng pyroclastic density currents partikular sa Mi-isi Gully sa southwestern slopes. Tinatayang umabot sa 4 kilometro ang inilabas na itinuturing na pinakamalaki mula sa huling pagputok ng Mayon.
**
Pinayagan na ng korte sa Pasay na makapagpiyansa ang dating TV-host na si Jay Sonza kaugnay ng kasong isinampa laban sa kanya, matapos amyendahan ang naunang desisyon na non-bailable ang kanyang kaso.
Ayon sa kanyang abogado na si Atty. Mark Tolentino, binago ng Regional Trial Court Branch 118 Pasay City ang naunang ruling sa kasong Unlawful Publication, kaya maaari nang magpiyansa si Sonza. Aniya, agad nilang ipoproseso ang piyansa dahil sarado ang korte nang ilabas ang kautusan.
Matatatandaang naaresto si Sonza sa kanyang bahay sa Quezon City noong Huwebes ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation batay sa warrant na inilabas ng nasabing hukuman. Una itong itinuring na non-bailable offense.
Nahaharap si Sonza sa mga kasong may kaugnayan sa cybercrime, kabilang ang Unlawful Use of Means of Publication at Unlawful Utterances sa ilalim ng Article 154 ng Revised Penal Code, kaugnay ng Section 6 ng Cybercrime Prevention Act of 2012.