Ikinokonsidera ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na maglagay ng patong sa ulo ni Senador Ronald dela Rosa para siya ay maaresto.
Kasalukuyan ngang wanted ng International Criminal Court (ICC) ang dating hepe ng Philippine National Police (PNP) dahil sa kaniyang umano’y papel sa madugong war on drugs sa ilalim ng Duterte administration.
Sa ikalawang linggo na nang paghahanap ng mga awtoridad sa nagtatagong senador, sinabi ni Sec. Remulla na posibleng magbigay sila ng pabuya para madakip na ang senador.
Subalit, sinabi rin ng kalihim na hindi pa ito epektibo sa ngayon kayat tinitignan aniya ang mga kailangang gawin.
***
Target ng House Prosecution Panel na magharap ng humigit-kumulang 25 testigo sa nalalapit na impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte sa Senado.
Ayon kay House Lead Prosecutor at Batangas 2nd District Representative Gerville Luistro, hindi pa maaaring isapubliko sa ngayon ang mga pangalan ng mga testigo dahil kasalukuyan pa silang sumasailalim sa vetting process.
Gayunpaman, ibinunyag ni Luistro na kabilang sa mga nakalinyang testigo ay ang mga opisyal mula sa Department of Education (DepEd) at Office of the Vice President (OVP).
Pero dahil sa kanilang malapit na ugnayan sa Bise Presidente, inaasahan na ng panel ang kanilang katapatan dito. Kaya naman, ipatatawag sila sa ilalim ng rules of evidence bilang mga “hostile witness.”
**
Inilunsad na ng Department of Education (DepEd) ang nationwide Oplan Balik Eskwela bilang paghahanda sa pagbubukas ng School Year 2026-2027 sa Hunyo 8, 2026.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, isasagawa ang Oplan Balik Eskwela mula Hunyo 1 hanggang Hunyo 11 upang matiyak ang maayos na pagbubukas ng klase sa buong bansa.
Layunin ng programa na mapabilis ang enrollment process, matugunan ang mga concern ng publiko, at matiyak na handa ang mga paaralan para sa panibagong school year.
Nasa 16 na ahensya ng pamahalaan at utility partners ang makikibahagi sa preparasyon para sa pagbubukas ng klase.