Skip to content

May 28 - 6 am NEWS

May 28 - 6 am NEWS
DONNA NATIVIDAD-ARENAS
May 28, 2026 | 7:50 AM

Ipinag-utos ng International Criminal Court (ICC) ang panibagong pagsusuri sa kalusugan ni dating pangulong Rodrigo Duterte upang matukoy kung kaya pa nitong humarap sa paglilitis kaugnay ng kinakaharap niyang kasong crimes against humanity.
Sa isinagawang unang status conference nitong Miyerkoles, sinabi ni ICC Trial Chamber III Judge Joanna Korner na muling susuriin ng mga eksperto ang kalagayan ni Duterte matapos maghain ng mosyon ang kampo nito.
Ayon sa depensa, ang naunang medical assessment ay para lamang sa confirmation of charges proceedings at hindi para sa mismong paglilitis.
Sinabi ni Korner na posibleng agad na iutos ng hukuman ang panibagong pagsusuri upang makakuha ng updated na ulat hinggil sa kalusugan ng dating pangulo.
Dahil dito, ipinagpaliban muna ng ICC ang pagtatakda ng eksaktong petsa ng pagsisimula ng paglilitis.
 
Natapos na ng Forensic Group ng Philippine National Police (PNP) ang imbestigasyon sa pamamaril sa Senado noong Mayo 13, at naisumite na ang kanilang mga natuklasan sa PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG).
Ayon kay PNP Forensic Group Director Col. Pierre Paul Carpio, naitugma ang lahat ng anggulo na dapat maitugma sa lugar ng krimen gayundin ang matching ng iba’t ibang ebidensiya.
Ipinakita rin ng opisyal ang 3D scanning na isinagawa sa kasagsagan ng insidente at ang trajectory o direksyon ng mga bala sa hallway. Base rito, ang lahat ng butas ng bala ay nagmula sa mga gunshot na naitala sa loob mismo ng gusali.
Sa kaugnay na balita
Hindi natagpuan ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) katuwang ang National Bureau of Investigation (NBI) si Senador Ronald “Bato” dela Rosa sa apat na magkakasabay na operasyon sa Parañaque City, Bulacan, at Pampanga nitong Miyerkoles, Mayo 27.
Ayon sa CIDG, isinagawa ang operasyon kasunod ng kautusan ng Department of Justice, Department of the Interior and Local Government, at ng hepe ng Philippine National Police.
Kinumpirma ni CIDG Director Maj. Gen. Robert Morico II na nag-deploy ng mga tracker team mula sa CIDG Intelligence Group, National Capital Region Police Office, at Police Regional Office 3 upang ipatupad ang warrant of arrest ng International Criminal Court (ICC) laban sa senador.
Tiniyak din ng pulisya na mananatiling propesyonal, walang kinikilingan, at alinsunod sa batas ang anumang operasyon nila laban sa senador. (AC)