Skip to content

May 27 - 8 am NEWs

May 27 - 8 am NEWs
CHESTER PANGAN
May 27, 2026 | 11:02 AM

Napaslang ang dose-dosenang katao sa pinaigting pang mga pag-atake ng Israel sa southern at eastern Lebanon.

Ito ay matapos mangako si Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu na pagpapaigting pa ang military action laban sa grupong Hezbollah.

Ayon sa Lebanon health ministry, mayroong 31 katao ang napatay sa mga panibagong yugto ng pag-atake kabilang ang ilang mga bata.

Base sa Israeli military, tinamaan ang mahigit 100 infrastructure sites ng Hezbollah at kanilang fighters. Ito na ang isa sa pinakamatinding pambobomba ng Israel mula nang maging epektibo ang ceasefire noong kalagitnaan ng Abril.

Sa security cabinet meeting nitong Martes, sinabi ni Netanyahu na pinapalalim pa ng Israel ang kanilang operasyon sa Lebanon at pinapalakas ang security zone para protektahan ang mga komunidad sa northern Israel mula sa mga pag-atake ng Hezbollah.

---

Iniulat ng ng state television ng Iran na nakakuha umano ang Tehran ng draft ng isang paunang memorandum of understanding (MoU) kasama ang Estados Unidos kaugnay ng posibleng pagtatapos ng sigalot sa pagitan ng dalawang bansa.

Batay sa ulat, nakasaad sa draft framework na ibabalik ng Iran sa normal o pre-war levels ang commercial shipping sa Strait of Hormuz sa loob ng isang buwan. Kapalit nito, aalisin naman ng Estados Unidos ang mga puwersang militar nito malapit sa Iran at ititigil ang naval blockade.

Ayon sa state TV ng Iran, hindi pa pinal ang naturang framework at hindi muna kikilos ang Tehran hangga’t wala umanong “tangible verification” o konkretong katiyakan sa mga kasunduan.

Nakasaad din sa draft na hindi kabilang ang mga military vessel sa kasunduan at pamamahalaan ng Iran ang pagdaan ng mga barko sa Strait of Hormuz katuwang ang bansang Oman.

Dagdag pa rito, kung magkakaroon ng pinal na kasunduan sa loob ng 60 araw, maaari umano itong aprubahan bilang isang binding resolution ng United Nations Security Council.

Nabatid na ang naturang kasunduan sa pagitan ng U.S. at Iran ay nagmula sa mga indirect talks na sinimulan matapos sumiklab ang digmaan noong Pebrero. Kung saan naging pangunahing tagapamagitan ang bansang Pakistan para sa tigil putukan.