Pormal nang inilunsad ang EJK Truth Commission, isang independent at civil group na magsisilbing truth-seeking body para sa pagdodokumento ng extrajudicial killings (EJK) at iba pang kaugnay na pang-aabuso sa Pilipinas.
Kasabay ito ng halos isang dekada mula nang lumawak ang drug war killings noong 2016, kung saan libu-libong pamilya pa rin ang naghahanap ng katotohanan, hustisya, at paghilom.
Magsisilbing adviser ng Komisyon si Cardinal Pablo Virgilio David o Cardinal “Ambo” David upang tiyakin ang integridad, kalayaan, at kredibilidad ng grupo.
Ayon kay Raul Pangalangan, chairman ng Komisyon, layunin nitong marinig, mabeberipika, at mapreserba ang mga testimonya ng mga biktima, survivor, at kanilang pamilya.
Kabilang din sa mga commissioner sina Raquel Fortun, Al Fuertes, Daniel Franklin Pilario, at Carlos Conde.
Magsasagawa ang Komisyon ng Public Truth Hearings upang maidokumento ang mga karanasan ng mga biktima at matukoy ang epekto ng karahasan sa lipunan.
Maghahanda rin ito ng mga rekomendasyon at ulat para sa mga ahensya tulad ng Commission on Human Rights, National Police Commission, Department of Justice, at National Bureau of Investigation.
----
Iniulat ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na namataan nito ang kabuuang 36 barko ng China sa ilang bahagi ng West Philippine Sea (WPS) mula Mayo 19 hanggang Mayo 25.
Ayon kay AFP WPS spokesperson Rear Adm. Roy Vincent Trinidad nitong Martes, kabilang sa mga barkong na-monitor ang mula sa People’s Liberation Army Navy (PLAN) at China Coast Guard (CCG).
Kasama rito ang 10 PLAN at siyam na CCG sa Bajo de Masinloc, isang PLAN at walong CCG sa Ayungin Shoal, dalawang PLAN at tatlong CCG sa Escoda Shoal, at dalawang PLAN at isang CCG sa Pag-asa Island.
Mas mataas ito kumpara sa na-monitor na 27 barko ng China mula Mayo 12 hanggang Mayo 18. (Angelica ¬Malillin)