Binatikos ni Kalookan Archbishop Cardinal Pablo Virgilio David si Senate President Alan Peter Cayetano matapos nitong ikonekta bilang “pro-life” ang madugong war on drugs ng administrasyong Duterte.
Nag-ugat ang reaksiyon ng kardinal sa post ng senador noong nakaraang linggo kung saan tinawag niyang isang kampanya para sa human rights at pro-life ang naturang drug war.
Tanong ni Cardinal David, paano ito masasabi ng senador sa harapan ng libu-libong biyuda at naulilang bata na nawalan ng mahal sa buhay nang walang legal na proseso.
Dagdag pa ng kardinal, hindi lamang binaril ang mga biktima; marami ang dinukot, tinortyur, at iniwan sa kalsada na balot ng plastic bag ang ulo at balot ng packaging tape ang leeg.
Babala pa ni David, may seryosong implikasyon sa international law ang pahayag ng senador. Aniya, ang mga pahayag na nagpapakitang lehitimo ang mga extrajudicial killing (EJK) ay hindi sakop ng proteksiyon para sa malayang pamamahayag.
Maaari pa itong ituring na pag-udyok o pagtulong (aiding and abetting) sa crimes against humanity sa ilalim ng Article 25 ng Rome Statute.
Si Cardinal David ay isang bokal na kritiko ng war on drugs ng Duterte administration.
---
Inihayag ng Akbayan na handa silang ibigay ang buong suporta kay Senador Risa Hontiveros sakaling tumakbo siya bilang pangulo sa 2028.
Ayon sa partido, si Hontiveros ay isa sa mga lider na maaaring makatulong sa pag-ahon at pag-ayos ng bansa sa gitna ng krisis sa pamamahala, kahirapan, at pagkadismaya ng publiko sa gobyerno.
Nauna nang sinabi ni Hontiveros na bukas siyang tumakbo sa pagkapangulo kung siya ang pipiliing standard-bearer ng oposisyon sa susunod na halalan.
Posibleng makaharap niya sa 2028 si Vice President Sara Duterte na nauna nang nagdeklara ng pagtakbo sa 2028 election. Itinuturing ang Bise Presidente na isang malakas na posibleng kandidato sa pagkapangulo.