Skip to content

May 21 - 6 am NEWS

May 21 - 6 am NEWS
DONNA NATIVIDAD-ARENAS
May 21, 2026 | 8:13 AM

Naglabas ng update ang International Criminal Court (ICC) hinggil sa kalagayan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte habang nakakulong sa The Hague.
Ayon sa ICC Registry, si Duterte ay itinuturing na “elderly detained person” na may mataas na panganib sa pagkahulog, kaya’t siya ay nasa ilalim ng continuous cell monitoring.
Ipinaliwanag ng ICC na sa mga bihirang pagkakataon na nadapa si Duterte, agad nakatugon ang custody staff upang tulungan siya at kaagad ding tumawag ng medikal na pagsusuri.
Binanggit din ng ICC na wala pang naitalang insidente ng pagkahulog sa nakalipas na tatlumpung araw.
 
**
Inatasan ang Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) na arestuhin si Senador Ronald “Bato” dela Rosa.
Sa isang press briefing, kinumpirma ni Department of Justice Secretary Frederick Vida na “fugitive from justice” na si Senador Bato at dapat na dalhin sa International Criminal Court (ICC) para harapin ang mga kaso laban sa kaniya.
Ayon sa DOJ official, ito ay alinsunod sa inisyung arrest warrant ng ICC na “valid” o may bisa.
Sa ngayon, patuloy na kinukuhanan ng Bombo Radyo ng pahayag ng kampo ng senador kaugnay sa nakaambang pag-aresto sa dating hepe ng Philippine National Police (PNP).
 
**
Hinalal ngayon si senador Pia Cayetano bilang bagong chairperson ng Senate Blue Ribbon Committee, kapalit ng mga naunang namuno sa komite na sina dating Sen. Rodante Marcoleta at Sen. Panfilo Lacson.
Hindi pa natatapos ni Lacson ang imbestigasyon ng komite hinggil sa umano’y maanomalyang flood control projects nang mangyari ang pagbabago sa liderato ng panel.
Samantala, muling itinalaga si Sen. Imee Marcos bilang chairperson ng Committee on Foreign Relations, na dati ay pinamumunuan ni Sen. Erwin Tulfo.
Mananatili naman si Sen. Camille Villar bilang chair ng Committee on Environment, Natural Resources, and Climate Change, at siya rin ang mamumuno sa Committee on Government Corporations and Public Enterprises.