Mayroon na umanong lead ang National Bureau of Investigation (NBI) sa kinaroroonan ni Sen. Ronald ‘Bato’ dela Rosa, na pinaghahanap ngayon ng mga awtoridad dahil sa warrant of arrest na inisyu laban sa kanya ng International Criminal Court (ICC).
Ito ang inamin ni NBI Director Atty. Melvin Matibag sa kanyang pagdalo sa monthly forum ng Manila City Hall Reporters’ Association (MACHRA) na MACHRA Balitaan sa Harbor View kahapon ngunit tumanggi munang magbigay ng iba pang detalye hinggil dito dahil sa sinusunod nilang proseso sa law enforcement.
“We have a lead kung nasaan talaga pero in the meantime, we suspend yung announcement kung nasaan talaga siya,” ayon kay Matibag.
Binigyang-diin pa niya na kung mayroon mang tao na dapat tanungin hinggil sa kinaroroonan ni dela Rosa, ito ay walang iba kundi si Sen. Robinhood Padilla.
“If there is any person who should be asked, it’s Senator Robin Padilla dahil siya ang huling kasama,” anang NBI chief.
Samantala, nahingian din naman siya ng reaksiyon sa pahayag ni Padilla na kaya umalis ng Senado si dela Rosa ay dahil ayaw nitong magpakidnap.
“That is really their argument. Pero mahirap naman yata yun ano? Wala namang kidnapping na may warrant of arrest,” ani Matibag.
Pinayuhan din niya ang senador na magtanong sa kaniyang abogado kung ito ang dapat sabihin.
“Magaling po ang mga abogado ni Sen. Robin....Magtanong po siya sa abogado nila if that’s the right thing to say when there’s a warrant of arrest,” dagdag pa ni Matibag.
“Kasi parang tinuturuan natin ngayon yung tao na ‘pag may warrant of arrest kayo, ang argument mo ay ‘wag kayong pumayag na magpaaresto kasi kikidnapin kayo,” aniya pa.
----
Nanawagan si Sen. Panfilo Lacson nitong Martes sa publiko na manatiling mapagmatyag matapos magtipon ang Senado bilang impeachment court noong Lunes para sa kaso ni Vice President Sara Duterte.
“The stark contrast between the smell of gunpowder last week and the breath of fresh air in the Senate yesterday was evident when we convened as an impeachment court after all the parliamentary procedures were strictly followed. May the public vigilance remain unabated,” ayon kay Lacson sa kanyang X.
Noong Lunes, pormal na nag-convene ang Senado bilang impeachment court upang litisin ang kaso laban sa Pangalawang Pangulo, matapos nitong matanggap ang Articles of Impeachment mula sa House noong Mayo 13.
Dinala sa Senado ang Articles of Impeachment kasabay ng tensyon kaugnay sa umano’y posibleng pag-aresto kay Sen. Ronald dela Rosa.
Noong nakaraang weekend, binigyang-diin din ni Lacson na may hangganan ang pag-abuso sa kapangyarihan, kasunod ng mga pangyayari noong nakaraang linggo.
“Arrogance of power, like impunity, has its limits,” ani Lacson.