Inilabas ng Office of the Ombudsman ang kautusan para sa preventive suspension ni Acting Senate Sergeant-at-Arms Mao Ranada Aplasca, na epektibo agad.
Sa ilalim ng order, si Aplasca ay sinuspinde nang walang sahod sa loob ng anim na buwan o hanggang matapos ang administratibong pagdinig kaugnay ng kanyang kaso.
Ayon sa Ombudsman, ang patuloy na pananatili ni Aplasca sa puwesto ay maaaring makaapekto sa integridad ng imbestigasyon hinggil sa mga pangyayari sa gusali ng Senado noong Mayo 13, 2026.
Layunin ng preventive suspension na mapanatili ang mga dokumento at ebidensiyang nasa kanyang pangangalaga at maiwasan ang anumang posibleng impluwensiya sa kaso.
**
Ipinahayag ng pamilya ng yumaong dating Senate President Juan Ponce Enrile ang kanilang kalungkutan sa mga naging pahayag ni Senate President Alan Peter Cayetano hinggil sa umano’y malapit nilang ugnayan.
Sinabi ni Cayetano na dalawa lamang ang hindi niya kaanak na tinatawag niyang “Uncle,” kabilang si Enrile na aniya’y nakasama niya sa paglaki.
Gayunman, sa opisyal na pahayag na ibinahagi ni Katrina Ponce Enrile, iginiit ng pamilya na ang tunay na relasyon ay nasusukat hindi lamang sa mga salitang binibitawan sa publiko kundi sa presensya, sinseridad, at tahimik na pagpapakita ng respeto sa oras ng pagdadalamhati.
Binanggit ng pamilya na sa necrological services sa Senado at sa mga araw ng pagluluksa, malinaw nilang napansin kung sino ang dumalo at kung sino ang hindi.