Nangako ang House Prosecution panel ng mas marami at matitibay na ebidensiya laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay panel member, Rep. Ysabel Maria Zamora, pawang mga patikim pa lamang ang mga lumabas na ebidensiya laban sa bise presidente.
Mas maraming ebidensiya pa aniya ang ilalabas ng panel oras na magsimula na ang impeachment trial.
Kahapon ay nabuo na ang prosecution team na kinabibilangan ng 11 batikang mambabatas na pawang mga abogado.
Ayon kay Zamora, naghahanda na ang panel at nakatakdang paghati-hatian ng bawat miyembro ang kani-kanilang hahawakang isyu at partikular na kaso laban sa pangulo.
Para sa mambabatas, posibleng isa siya sa mga hahawak sa ‘grave threat’ issue o yaong naging pagbabanta ni VP Sara kina Pang. Ferdinand Marcos, First Lady Liza Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.
Giit ni Zamora, marami pang ebidensiya ang naghihintay na mabuksan at maipapakita sa publiko bilang pagsuporta sa bawat alegasyon laban sa bise presidente.
---
Binigyang-diin ni Senator Risa Hontiveros na hindi dapat pinoprotektahan ng Senado ang mga miyembro ng kapulungan na may pananagutan sa batas o may kinakaharap na warrant of arrest dahil sa heinous crimes.
Ito ang kasagutan ng senador nang matanong ukol sa pagbibigay ng mataas na kapulungan ng protective costudy kay Sen. Ronald Dela Rosa.
Aniya, walang batas na nagpapahintulot sa Senado na protektahan ang isang senador mula sa kaniyang pananagutan sa batas o umiwas sa anumang legal process.
Kabilang si Sen. Hontiveros sa mga senador na umaapela kay Sen. Dela Rosa na boluntaryong sumuko sa mga otoridad, kasunod ng paglabas ng kaniyang arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC).
Ito ay sa pamamagitan ng Senate Resolution No. 395 na inihain kahapo, May 12, 2026.
Katwiran ni Hontiveros at iba pang pumirma sa naturang resolusyon, walang constitutional authority ang Senado para magbigay ng ‘protective custody’ o ‘sanctuary’ sa sinuman, laban sa mga ligal na pag-aresto, lalo na sa mga mabibigat na kaso.
Una naman itong tinanggihan ni Dela Rosa.
Sa ngayon, kumpirmado nang nakalabas ng Senado ang dating Philippine National Police (PNP) chief na ilang araw ding nanatili sa Mataas na Kapulungan kasunod ng kaniyang ICC warrant.