Skip to content

May 14 - 6 am NEWS

May 14 - 6 am NEWS
DONNA NATIVIDAD-ARENAS
May 14, 2026 | 7:52 AM

Kinumpirma ng International Criminal Court (ICC) na kasama na si Senador Ronald dela Rosa sa opisyal nitong listahan ng mga “wanted persons,” ayon sa website ng korte noong Miyerkules ng gabi, Mayo 13.
Ayon sa ICC, si Dela Rosa ay kabilang sa 33 na akusado na kasalukuyang itinuturing na “at large.”
Sa kanyang profile sa website ng ICC, nakasaad ang kanyang buong pangalan na Ronald Marapon Dela Rosa, pati na rin ang kanyang petsa at lugar ng kapanganakan.
Inilarawan din siya ng ICC bilang isang dating opisyal ng Philippine National Police (PNP) na humawak ng iba’t ibang posisyon sa Davao region, naging hepe ng PNP, at nagsilbi ring Director General ng Bureau of Corrections sa panahong saklaw ng kaso.
 
**
Nakatakdang maghain ng resolusyon si Tingog party-list Rep. Jude Acidre kasama ang 40 iba pang miyembro ng Kamara de Representantes para imbestigahan ang umano’y extortion incident na kinasasangkutan ng social media personality na si Franco Mabanta at dating House Speaker Martin Romualdez.
Sa kanyang privilege speech, sinabi ni Acidre na ang hakbang ay “in aid of legislation” upang suriin ang insidente na kinasasangkutan ng mga social media influencer at online political operators.
Ayon pa sa kongresista, layunin ng imbestigasyon na talakayin ang mas malawak na isyu kung dapat bang ipatupad sa social media commentators ang katulad na standards of conduct na mayroon ang media at journalists.
 
**
 
Iniimbestigahan na ng National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP) ang posibilidad na “staged” o may naganap na sabwatan sa insidente sa loob ng Senado.
Tumanggi ang NBI na kumpirmahin ang naturang spekulasyon at iginiit na bahagi pa ito ng patuloy na imbestigasyon.
Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, nakatuon ang kanilang pagsisiyasat sa mga factual evidence habang nakikipagtulungan ang PNP sa pag-imbestiga sa 20 personalidad na naroon sa lugar. Kasalukuyang sinusuri ng mga awtoridad ang mga kuha sa CCTV at mga basyo ng bala na narekober.
Binigyang-diin ni Matibag na hindi pa sila maaaring maglabas ng anumang konklusyon habang nagpapatuloy ang imbestigasyon, ngunit tiniyak niyang isasapubliko ang resulta sa oras na ito ay matapos.
Kinumpirma naman ni PNP Chief Lt. Gen. Nartatez Jr. na ang NBI ang nangunguna sa naturang imbestigasyon. Sa kasalukuyan, tinutukoy na ng mga awtoridad ang mga may bitbit na armas at mga nakatalagang security forces sa loob ng Senado.
Kabilang sa mga isinasailalim sa accounting ay ang mga tauhan mula sa Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA) Security, Police Security and Protection Group (PSPG), at Armed Forces of the Philippines (AFP), partikular ang mga miyembro ng Philippine Marines.