Biyaheng China ngayong Miyerkules, Mayo 13, 2026, si US President Donald Trump upang dumalo sa inaabangang superpower summit.
Ito ang unang pagkakataon sa loob ng halos isang dekada na bibisita ang isang Pangulo ng Amerika sa nasabing bansa, matapos maantala ang kanyang pagtungo rito dahil sa nagaganap na giyera sa Iran.
Inaasahan ni Trump ang isang mahabang pakikipagdiyalogo sa kanyang counterpart na si Chinese President Xi Jinping.
Pangunahing tatalakayin sa pulong ang krisis sa Iran, na kasalukuyang nakadepende sa China bilang pangunahing customer ng kanilang langis sa kabila ng mga ipinataw na sanksyon ng Amerika.
Ayon sa ulat, kabilang din sa agenda nina Trump at Xi ang nakatakdang pagbebenta ng armas ng Amerika sa Taiwan, ang mga usapin hinggil sa “self-governing democracy” claim ng China at ang kontrol ng China sa rare earth exports at ang tensyon sa pagitan ng trade relationships ng dalawang bansa.
Kasama ng Pangulo sa kanyang delegasyon ang isang malaking grupo ng mga top US business executives, kabilang ang mga kilalang tycoons na sina Elon Musk at Tim Cook, base sa impormasyon mula sa White House.
---
Umabot na sa tinatayang $29 billion ang gastos ng U.S. sa nagpapatuloy nitong giyera laban sa Iran, ayon sa isang mataas na opisyal ng Pentagon nitong Martes (araw sa Amerika).
Mas mataas ito ng $4 billion kumpara sa naunang pagtataya ng bansa noong nakaraang buwan na nasa $25 billion lamang.
Kasama sa bagong halaga ang dagdag na gastusin sa repair at pagpapalit ng mga kagamitan, gayundin ang operational costs ng militar.
Hindi naman agad nilinaw ng Pentagon kung paano eksaktong nabuo ang kabuuang $29 billion na halaga.
Nauna nang iniulat ng Reuters noong Marso na tinatayang umabot agad sa hindi bababa sa $11.3 billion ang gastos ng Estados Unidos sa unang anim na araw ng labanan na pinangunahan ni U.S. President Donald Trump.