Ligtas na nailikas ang mga pasahero at crew ng isang cruise ship na tinamaan ng hantavirus outbreak.
Ayon sa mga opisyal, walang nagpapakita ng sintomas sa mga pasahero na inilikas mula sa barko.
Dinala sila sa Tenerife airport gamit ang mga military bus bago isakay sa mga eroplano ng kani-kanilang bansa.
Mahigpit na ipinatutupad ang no-contact policy sa mga pasahero upang maiwasan ang posibleng pagkalat ng virus.
Inirekomenda rin ng World Health Organization (WHO) ang 42-araw na quarantine para sa lahat ng sakay ng barko bilang pag-iingat.
Kabilang sa mga bansang nagpadala ng sasakyang panghihipawid para sa kanilang mamamayan ay ang Spain, France, United Kingdom, Canada, United States, Netherlands, Turkey, Ireland, Australia, at iba pa.
Batay sa ulat ng WHO, ilang dating pasahero na umalis na sa barko ang nagkasakit, at tatlo na rito ang nasawi. Pinaniniwalaang maaaring nakuha ang impeksyon bago pa man sumakay sa cruise ship, at kumalat ito habang nasa biyahe.
Samantala, tiniyak ng health authorities na mababa ang panganib ng virus sa publiko at patuloy din ang masusing pagsusuri at monitoring sa mga naapektuhan.
Pagkatapos ng evacuation, ang barko ay lilinisin at ide-disinfect sa Netherlands, habang ang ilang crew members lamang ang mananatili para sa operasyon nito.
---
Nakikipag negosasyon ngayon ang U.S. sa Denmark kaugnay ng planong pagpapalawak ng military bases nito sa Greenland.
Nabatid na layunin ng Estados Unidos na magtayo ng tatlong bagong military bases sa katimugang bahagi ng Greenland bilang paghahanda sa posibleng aktibidad ng Russia at China sa North Atlantic region.
Magugunitang una nang nagkaroon ng sigalot ang Denmark sa U.S. matapos ipahayag ni U.S. President Donald Trump na sasakupin ang naturang isla kasunod ng mga pangambang kukunin ito ng Russia at China. Gayunman, mariing tinutulan ng Denmark at ng Greenland ang anumang ideya ng pagsakop sa teritoryo.
Sa kabila nito, nagpapatuloy ang diplomatic talks ng dalawang bansa kung saan kinumpirma ng Denmark na may ongoing negotiations sila ng Amerika hinggil sa sa posibleng dagdag na military presence sa Greenland, ngunit tumanggi silang magbigay ng karagdagang detalye.
Napag-alaman na planong itayo ang military base sa Narsarsuaq, isang U.S. military facility na may maliit na paliparan.
Tutukan din nito ang maritime surveillance o pagbabantay sa galaw ng mga barko at aktibidad militar sa GIUK Gap —mahalagang ruta sa pagitan ng Greenland, Iceland, at United Kingdom.
Sa ngayon wala pang pinal na kasunduan sa pagitan ng dalawang bansa ukol sa usapin ng muling pagtatayo ng U.S. ng military base. Hindi rin umano kasama sa usapan ang plano ng Amerika na kontrolin o sakupin ang Greenland.
Sa kasalukuyan, iisa lamang ang military base ng Estados Unidos sa Greenland — ang Pituffik Space Base — kumpara noong panahon ng Cold War kung mayroong 17 facility ang U.S.