Iginiit ni Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia na hindi basta simpleng pagpapalit ng liderato ang nangyari sa Senado nitong Lunes.
Para sa kanya, malinaw na may layuning pigilan ang impeachment trial bago pa ito makapagsimula.
Mahirap aniyang balewalain ang takbo ng mga pangyayari.
Isang senador na matagal nawala ang biglang bumalik. Apat na senador mula sa mayorya ang lumipat ng kampo. Sa pamamagitan ng 13- boto, natanggal si Vicente Sotto III bilang Senate President at pinalitan ni Alan Peter Cayetano.
Nauna nang nagpahayag si Sotto na handa niyang buksan ang impeachment court laban kay Vice President Sara Duterte sa oras na maipadala ng Kamara ang articles of impeachment.
Pero bago pa iyon mangyari, naalis na siya sa puwesto.
“Hindi ito usapin ng liderato,” ani Goitia. “Ang totoong layunin ay pigilan ang impeachment trial na umusad.”
Para kay Goitia, mas mabigat kaysa sa politika ang ipinakita ng pangyayari.
Ayon sa kanya, marami sa mga senador na sangkot ay matagal nang nagpapakilalang maka-Diyos, makabayan, at may paninindigan. Ngunit nang dumating ang sandali ng tunay na pagsubok, marami ang hindi nanindigan.
Nabanggit din ni Goitia si Senator Ronald dela Rosa.
Matapos ang ilang buwang pagkawala, muli itong lumitaw upang magbigay ng isa sa pinakamahahalagang boto sa Senado.
“Maraming mahihirap na Pilipino ang nasawi noon habang ang malalaking personalidad sa droga ay tila hindi naman naparusahan,” aniya. “Hindi basta nakakalimutan iyon ng taumbayan. Kaya natural lang na magtanong ang mga tao kapag may isang pulitikong matagal nawala tapos biglang babalik sa isang kritikal na sandali.”
Tinukoy rin niya ang kabalintunaan sa imahe ni dela Rosa bilang “bayani” sa mata ng kanyang mga tagasuporta.
Dagdag pa niya, hindi dapat magmukhang kumikilos lamang ang Senado kapag may mga makapangyarihang personalidad na kailangang sagipin.
Tinuligsa rin ni Goitia ang panawagan ng bagong mayorya tungkol sa “unity,” dahil ayon sa kanya, nawawalan ng saysay ang pagkakaisa kapag ginagamit ito upang iwasan ang pananagutan at pagsisiyasat.
Nagpahayag din si Goitia ng suporta kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa patuloy nitong pagsusulong ng soberanya ng bansa sa gitna ng tumitinding tensyon sa rehiyon.
Pero ayon sa kanya, hindi sapat na ang Pangulo lamang ang lumalaban para rito.
“Hindi puwedeng manahimik na lang ang mga Pilipino habang unti-unting naaapektuhan ang ating mga institusyon,” ani Goitia. “Kailangang ipagtanggol ang bansa, ang ating kalayaan, at ang ating demokrasya bago pa lumala ang sitwasyon.
Kailangan ng Pangulo ng mga lider na ang tunay na katapatan ay nasa sambayanang Pilipino.”
Para kay Goitia, iyon ang mas malalim na usapin sa likod ng nangyari sa Senado.
---
Hindi na kailangang kumuha ng visa ang mga Pilipino para maka-bisita sa bansang Paraguay.
Ito ay matapos lagdaan ng Pilipinas at Paraguay ang kasunduan para sa visa-free entry na prebilihiyo para sa mga ordinary passport holders.
Kapwa sinaksihan nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Paraguay President Santiago Peña Palacios ang lagdaan sa pagitan nina Foreign Affairs Secretary Maria Theresa Lazaro at Paraguayan Minister of Foreign Affairs Ruben Ramirez Lezcano.
Sa pamamagitan ng visa free entry privileges ay maaring maka-bisita sa Paraguay, makapag-facilitate ng negosyo at people-to-people exchanges.
Nilagdaan din ang memorandum of understanding para sa koope-rasyon sa larangan ng diplomatic training sa pagitan ng dalawang bansa para sa pagpapahusay sa skills development, palitan ng kaalaman at iba pang academic cooperation projects. (Aileen Taliping)