Skip to content

May 1 - 8 am NEWS

May 1 - 8 am NEWS
CHESTER PANGAN
May 01, 2026 | 10:24 AM

Itinuturing na “terminated” na ang giyera sa pagitan ng Amerika at Iran bago pa man ang itinakdang deadline hanggang ngayong Biyernes, May 1 para sa pag-apruba ng US Congress sa giyera, ayon sa isang senior Trump administration official.

Sa ilalim kasi ng War Powers Resolution, mayroon na lamang hanggang ngayong Biyernes si US President Donald Trump para humiling ng congressional authorization para ipagpatuloy ang conflict o waksan na ito, kung saan may opsyon na palawigin pa ang deadline ng karagdagang 30 araw.

Ayon sa senior official, na tumangging pangalanan, ang labanan na sumiklab noong Pebrero 28 sa pagitan ng Amerika at Iran ay terminated na dahil sa umiiral na ceasefire.

Sinabi rin ng opisyal na natigil na ang palitan ng pag-atake sa dalawang bansa simula nang maging epektibo ang ceasefire noong Abril 7 at pinalawig pa kalaunan.

Una nang ipinaalam ng White House sa US Congress ang military campaign laban sa Iran noong Marso 2 ng kasalukuyang taon, kung saan ngayong Biyernes, ang 60-day milestone para sa Pangulo na simulan ang “winding-down” ng giyera maliban na lamang kung makakuha siya ng congressional authorization.

---

Tiwala si Japan’s special envoy to the prime minister, Kishida Fumio, na kabilang ang Pilipinas sa mga unang makikinabang sa $10 bilyong energy support initiative ng Japan para sa Asia, sa gitna ng tumitinding krisis sa suplay ng langis.

Sa pagbisita niya sa bansa, iniabot ni Kishida ang liham ni Prime Minister Takaichi Sanae kay President Ferdinand R. Marcos Jr., na nagpapahayag ng intensyon ng Tokyo na palakasin ang kooperasyon sa energy resiliency sa ilalim ng Partnership on Wide Energy and Resources Resilience Asia (POWERR Asia).

Ayon kay Kishida, inaasahang isa ang Pilipinas sa mga unang tatanggap ng tulong mula sa nasabing programa, na layong patatagin ang suplay ng enerhiya sa rehiyon sa gitna ng global disruptions.

Tinalakay rin sa pulong ang pagpapalalim ng ugnayan sa larangan ng liquefied natural gas (LNG) at nuclear energy, pati ang pagpapalawak ng mga proyekto sa ilalim ng Asia Zero Emission Community (AZEC), kung saan may mahigit 30 proyekto na umuusad sa bansa.

Binigyang-diin naman ng pamahalaan ng Pilipinas na mahalaga ang partnership sa Japan upang mapalakas ang energy security, lalo na’t nananatiling marupok ang global supply chains dahil sa tensyon sa Middle East. (report by Bombo Jai)