Skip to content

March 9 - 6 am NEWS

March 9 - 6 am NEWS
CHESTER PANGAN
Mar 09, 2026 | 8:15 AM

Inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang telecommunications companies (telcos) sa bansa na magbigay ng libreng tulong sa komunikasyon para sa overseas Filipino workers (OFWs) sa Middle East sa gitna ng umiiral na tensiyon sa rehiyon.

Sa isang Facebook post, sinabi ng Pangulo na sa pamamagitan ng Libreng Tawag Program, maaaring tumawag nang walang bayad ang mga Pilipinong nagtatrabaho sa Iran, Iraq, Bahrain, Kuwait, Oman, Qatar, United Arab Emirates, at Saudi Arabia upang makausap ang kanilang mga pamilya sa Pilipinas.

Ayon kay Marcos, layunin ng inisyatiba na matulungan ang OFWs na makumpirma ang kanilang kaligtasan at manatiling konektado sa kanilang mga mahal sa buhay sa panahon ng kawalang-katiyakan.

“Our public telecommunications entities will also set up free call stations in selected business centers located in major malls to help families stay in touch with their loved ones abroad,” anang Pangulo.

“Through these efforts, we want to ensure that our kababayans can remain connected with their families, offer comfort to one another, and confirm their safety without additional financial burden,” dagdag pa niya.

Bahagi ang programang ito ng iba pang hakbang ng pamahalaan upang matulungan ang OFWs sa Middle East at tiyakin ang kanilang kapakanan.

Samantala, nagpahayag ng buong suporta ang National Telecommunications Commission (NTC) sa direktiba ng Pangulo.

Ayon kay NTC Commissioner Ella Blanca Lopez, mahalagang hakbang ang pag-activate ng Libreng Tawag Program upang matulungan ang OFWs na manatiling konektado sa kanilang mga pamilya sa gitna ng krisis.

Sinabi ni Lopez na patuloy na babantayan ng NTC ang pagpapatupad ng direktiba ng Pangulo at magsasagawa ng kinakailangang koordinasyon upang matiyak na makikinabang dito ang OFWs at kanilang mga pamilya.

Bigay-diin pa ng NTC Commissioner, ang hakbang na ito ay bahagi ng pagsisikap ng pamahalaan na matiyak na nananatiling abot-kamay at maaasahan ang komunikasyon para sa mga Pilipino, lalo na sa panahon ng krisis.

-----

Tinuligsa ng mga miyembro ng Makabayan bloc si Vice President Sara Duterte na nagpapanggap umanong biktima sa isyu ng confidential fund, isa sa ground ng impeachment complaint laban sa Bise Presidente.

Ayon kina ACT Teacher¬s party-list Rep. Antonio Tinio, Gabriela Women’s Party Rep. Sarah Elago, at Kabataan party-list Rep. Renee Louise Co gasgas na ang script ni Duterte na mayroong sabwatan sa imbestigasyon kaugnay ng kanyang confidential funds.

“These are rehashed lines—‘gasgas na script’—meant to evade accountability by playing the victim,” sabi ng mga mam¬babatas sa isang joint statement. “The House has constitutional duties of oversight and accounta¬bility, and no official is exempt¬.”

Iginiit ng Makabayan bloc na ang P612.5 mil¬yong confidential fund na ginastos ni Duterte mula Disyembre 2022 hanggang Setyembre 2023 ay dapat lamang silipin kung saan napunta dahil pera ito ng taumbayan. Kasama sa kinukuwestyon ang P125 milyon na naubos sa loob lamang ng 11 araw noong Disyembre 2022.

Ayon sa Makaba¬yan mayroong mga red flag kung papaano ginastos ang confidential funds bago pa man mayroong inihaing impeachment complaint laban kay Duterte.

Nanawagan din ang Makabayan sa publiko kaugnay sa “misleading” na interpretasyon ng “unmodified opinion” ng Commission on Audit (COA) na pinalalabas umanong patunay na walang nakitang maling paggamit ng pondo ang ahensya.