Mar 05, 2026 | 9:26 AM
Pinag-iisipan ni Atty. Nicholas Kaufman, lead counsel ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, na humiling ng dokumento kaugnay ng diumano’y partisipasyon ni dating Senador Antonio Trillanes IV sa kaso sa International Criminal Court (ICC).
Maaaring idulog ang isyu sa Pre-Trial Chamber I o sa Trial Chamber kung makumpirma ang kaso.
Ipinakita ni Kaufman ang mga pahayag ni Trillanes at ni dating Justice Secretary at ngayo’y Ombudsman Jesus Crispin Remulla, bilang ebidensya ng koordinasyon ni Trillanes sa ICC, kabilang ang pagpapakilala sa ICC personnel at pagtalakay sa proteksyon ng mga testigo.
Binanggit rin ni Kaufman ang matinding pagkasuklam ni Trillanes kay Duterte bilang motibo sa pakikilahok sa kaso.
**
Nanawagan ang ilang women’s groups nitong Miyerkoles ng disciplinary action laban kay Quezon City Rep. Bong Suntay matapos ang kanyang sexually suggestive remark tungkol kay Anne Curtis sa House hearing sa impeachment case ni VP Sara Duterte.
Ginamit ni Suntay ang kaniyang “imagination” bilang paliwanag sa kanyang pahayag, ngunit agad siyang binatikos ng mga kasamahan sa Kongreso, kabilang si Rep. Ysabel Maria Zamora, na iginiit na dapat alisin ito sa opisyal na talaan.
Ayon sa Philippine Commission on Women (PCW), dapat maglabas si Suntay ng “unqualified apology” at managot sa pinsalang dulot ng kanyang salita. Hinimok ng komisyon ang House Ethics Committee na magsagawa ng aksyon batay sa RA 6713 o Code of Conduct.
Pinuna rin ng Gabriela Women’s Party ang kongresista, tinawag ang pahayag niya na bastos at hindi angkop sa isang mambabatas, at sinabing dapat siyang patawan ng parusa sa ilalim ng Quezon City Bawal Bastos Ordinance at RA 11313 o Safe Spaces Act.