Skip to content

March 4 - 6 am NEWS

March 4 - 6 am NEWS
DONNA NATIVIDAD-ARENAS
Mar 04, 2026 | 6:30 AM

Isinusulong ng Malacañang ang agarang pagpasa ng katapat na panukala ng Kamara kaugnay ng Bangsamoro Parliamentary Elections  kasunod ng pag-apruba ng Senado sa ikatlo at pinal na pagbasa ng Senate Bill No. 1823.

Ang naturang panukala ay nagtatakda ng paglipat ng unang regular na halalan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao  mula Marso patungo sa Setyembre 2026.

Binigyang-diin ni Special Assistant to the President  Anton Lagdameo Jr. ang direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ituring na prayoridad ang pagsasagawa ng halalan sa BARMM at tiyaking maisasakatuparan ito sa lalong madaling panahon.

**

Nakitaan ng House Committee on Justice na sufficient in substance ang dalawang verified impeachment complaints laban kay Vice President Sara Duterte upang umusad ang proseso ng impeachment sa Kamara.

Sa botong 54 pabor, isa ang tutol at walang abstention para sa ikatlo at ikaapat na reklamo.

Ang ikatlong reklamo, na inihain ng mga pari, madre at abogado at inendorso ni ML Partylist Rep. Leila De Lima ay may kaugnayan sa umano’y maling paggamit ng P612 milyong confidential funds at iba pang isyu noong kalihim pa siya ng Education Department. 

Samantala, ang ikaapat na reklamo na inihain ng abogado na si Nathaniel Cabrera ay tumutukoy sa umano’y hindi pagdedeklara ng ilang ari-arian at “unexplained wealth.”

***

Bukas ang Malacañang na pag-aralan ang mungkahing 4-day work week bilang bahagi ng mga hakbang sa pagtitipid, sa gitna ng inaasahang epekto sa bansa ng tumitinding tensyon sa pagitan ng Iran at Israel.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro na maaari itong pag-aralan ng pamahalaan lalo na kung lalala pa ang sitwasyon sa Middle East.

Gayunman, nilinaw ni Castro na sa ngayon ay wala pang pormal na talakayan tungkol sa naturang panukala.

Matatandaang ipinatupad na rin noon ang 4-day work week at work-from-home arrangement sa ilang tanggapan ng pamahalaan noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic.