Skip to content

March 31 - 8 am NEWS

March 31 - 8 am NEWS
CHESTER PANGAN
Mar 31, 2026 | 10:56 AM

Nagsimula nang dumating sa Middle East ang libo-libong sundalo mula sa elite 82nd Airborne Division ng U.S. Army, habang pinag-iisipan ni U.S. President Donald Trump ang susunod na hakbang sa digmaan laban sa Iran.

Napag-alaman na ang mga sundalo, na mula sa Fort Bragg sa North Carolina, ay dagdag sa nauna nang ipinadala na pwersa ng Estados Unidos kabilang ang mga Marines, Navy, at Special Operations units.

Nitong weekend, humigit-kumulang 2,500 Marines ang dumating din sa rehiyon.

Hindi pa malinaw kung saan eksaktong ipapadala ang mga tropa, ngunit inaasahang bahagi ito ng paghahanda para sa posibleng mas malawak na operasyon.


Sa ngayon, wala pang pinal na desisyon kung papasok ang mga sundalong Amerikano sa loob ng Iran.

Ayon sa mga ulat, maaaring gamitin ang mga tropa sa iba’t ibang misyon, kabilang nariyan ang pagsakop sa Kharg Island na sentro ng halos 90% ng oil exports ng Iran kasabay ang katiyakang ligtas na pagdaan ng mga oil tanker sa Strait of Hormuz.

May mga usapan din umano tungkol sa paggamit ng ground forces upang makuha ang highly enriched uranium ng Iran, bagama’t itinuturing itong mapanganib at komplikadong operasyon.

Samantala, sinabi ni Trump na nakikipag-usap ang Amerika sa mas “reasonable” na liderato ng Iran upang tapusin ang digmaan, ngunit nagbabala rin siya na maaaring umatake ang U.S. sa oil facilities ng Iran kung hindi bubuksan ang Strait of Hormuz.

Gayunpaman, ang posibleng paggamit ng ground troops ay may kaakibat na panganib sa pulitika, lalo na’t mababa ang suporta ng publiko sa Amerika para sa digmaan at dati nang nangako si Trump na iiwasan ang mga bagong sigalot sa Middle East.

Mula nang magsimula ang operasyon noong Pebrero 28, mahigit 11,000 target na ang inatake ng U.S., kung saan higit 300 sundalo ang nasugatan at 13 ang nasawi sa ilalim ng Operation Epic Fury.

----

Mariing kinondena ng Sultanate of Oman ang karumal-dumal na drone attack sa Port of Salalah noong Sabado, Marso 28, 2026, na ikinasugat ng isang manggagawa at nagdulot ng pinsala sa isang crane. Dalawang drone ang tumarget sa port, ngunit hanggang ngayon ay wala pang grupong umaako sa insidente.

Bilang tugon, pansamantalang itinigil ng Danish shipping giant Maersk ang kanilang operasyon sa Port of Salalah upang masiguro ang kaligtasan ng mga tauhan at kargamento. Kilala ang naturang daungan bilang isa sa pinakamalaking transshipment hubs sa rehiyon, kaya’t nagdulot ng pangamba ang insidente sa global shipping industry.

Sa panayam ng Star FM Bacolod, ibinahagi ni Mary Jane Damacio, isang overseas Filipino worker sa Oman, na nagpapasalamat siya sa kanilang kaligtasan dahil malayo ang kanilang tirahan sa apektadong lugar. Aniya, ramdam pa rin ang takot ng mga tao sa bansa.

Patuloy ang imbestigasyon ng pamahalaan ng Oman upang matukoy ang pinagmulan ng drone attack, habang pinaiigting ang seguridad sa mga pangunahing daungan at kritikal na pasilidad upang maiwasan ang karagdagang insidente.