Binuhay ni Senador Sherwin Gatchalian ang panukala na ipagbawal ang mga menor de edad sa social media matapos ipatupad ng Indonesia ang ban sa 16-anyos pababa.
Ang Indonesia ang ¬unang bansa sa Timog-Silangang Asya na nagbawal sa mga menor de edad na gumamit ng social media. Sa ilalim ng naturang regulasyon, ipagbabawal para sa mga menor de edad na wala pang 16 taong gulang ang paglikha at paggamit ng mga account sa mga platforms na itinuturing na “high-risk”, kabilang ang Instagram, TikTok, Facebook, YouTube, X, Roblox, at iba pa.
Matatandaang hinimok kamakailan ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) ang mga telcos na maghanda para sa posibleng ban ng Roblox sa buong bansa upang protektahan ang mga bata mula sa pang-aabuso sa online platform at sa nakapipinsalang nilalaman ng naturang platform.
Binalikan din ng senador ang mga naging resulta ng 2022 Programme for International Student Assessment (PISA), kung saan lumalabas na sa bawat isang oras na dagdag sa paggamit ng digital devices ng mga 15-taong gulang na mga mag-aaral para sa paglilibang, bu¬maba ng apat na puntos ang kanilang mga marka sa math.
---
Tiniyak ng Malacañang na walang isusukong teritoryo ang Pilipinas sa isinusulong na joint oil at gas exploration sa China.
“Lagi naman tayong magiging sincere sa mga pag-uusap kung meron man at lagi tayong magiging maingat para sa interes ng bayan at para sa interes ng bawat Pilipino,” paliwanag ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro sa interview ng mga reporter sa Pasig City nitong Lunes.
“Walang mawawalang interes, walang ipamimigay na interes,” diin pa niya.
Nagkaroon ng magkakasunod na pulong ang Pilipinas at China sa 24th Foreign Ministry Consultations at sa 11th Meeting of the Bilateral Consultation Mechanism on the South China Sea noong Marso 27 at 28 sa Quanzhou City, Fujian Province, China.
Binanggit ng Department of Foreign Affairs na nagkaroon ng inisyal na usapan ang magkabilang panig sa potensiyal na oil and gas cooperation.
“Kung meron mang plano, kung magkakaroon ng joint exploration, alam naman natin ang Pilipinas sa pamumuno ni Pangulong Marcos Jr. ay open sabi nga n’ya, nothing is off the table,” ani Castro.
Noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, isinulong din ng gobyerno ang negosasyon sa joint oil at gas exploration sa China.
Gayunman, bago matapos ang termino ni Duterte, ipinatigil niya ang pag-uusap ng dalawang bansa.