Skip to content

March 31 - 6 am NEWS

March 31 - 6 am NEWS
DONNA NATIVIDAD-ARENAS
Mar 31, 2026 | 6:30 AM

Tiuligsa ng Iran ang peace proposal ng United States para tapusin ang digmaan sa Middle East, na tinawag nitong “unrealistic, illogical, at excessive.” Kasabay nito, naglunsad ang Iran ng panibagong missile strikes laban sa Israel.

Lalong lumawak ang tensyon nang makisali sa labanan ang mga Houthi rebels mula Yemen at ang Hezbollah sa Lebanon, na kapwa nagsagawa ng pag-atake sa Israel.

Bilang tugon, sinabi ng militar ng Israel na nagsagawa ito ng airstrikes sa mga target na imprastraktura militar sa Tehran at Beirut.   Dahil sa patuloy na kaguluhan, muling tumaas ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, na nagpalala sa pangamba hinggil sa suplay ng enerhiya.

***

Kakanselahin ng Vietnam ang maraming flights patungong Pilipinas sa Mayo sa gitna ng mataas na presyo ng langis.   Nakikitang magpapahina ito sa air connectivity o kakayahan ng mga paliparan at airline na pag-ugnayin ang iba’t ibang destinasyon sa isa sa fastest-growing Southeast Asian corridors.

Sa inilabas na abiso, inanunsiyo ng Vietnam Airlines ang suspensiyon ng dose-dosenang flights mula Manila at Cebu patungong Vietnam, kasabay ng pagsisikap ng carrier na mapanatili ang katatagan ng suplay ng langis sa panahon ng pagsipa ng mga presyo.

Partikular na kakanselahin ng airline company ang Cebu-Hanoi flights mula Mayo 12 hanggang 15 gayundin mula Mayo 19 at 20.

**

Nasaksihan sa Vatican ang Filipino prayer matapos marinig ang panalangin sa wikang Filipino sa gitna ng Palm Sunday Mass na pinangunahan ni Pope Leo XIV sa St. Peter’s Square.

Ang naturang panalangin, na bahagi ng Prayers of the Faithful, ay tumagos sa puso ng maraming Pilipinong dumalo, kung saan ang ilan ay naantig at napaluha pa.

Sa panalangin, inalala ang mga taong dumaranas ng paghihirap at pang-aapi, at binigyang-diin ang pakikiisa ni Kristo sa kanilang pagdurusa.

Samantala, sa homiliya ng Santo Papa, binigyang-diin nito na si Hesus bilang Hari ng Kapayapaan na tumatanggi sa karahasan at hindi maaaring gamitin upang bigyang-katwiran ang digmaan at pagdurusa.