Skip to content

March 30 - 8 am NEWS

March 30 - 8 am NEWS
CHESTER PANGAN
Mar 30, 2026 | 9:47 AM

Abala ngayon ang Pakistan sa paghahandang mag-host ng peace talks sa pagitan ng Estados Unidos at Iran sa gitna ng tumitinding tensyon sa Middle East.

Ayon kay Foreign Minister Ishaq Dar, may palitan na ng mensahe sa dalawang panig na dinadaan sa Islamabad, at bukas ang Pakistan na maging neutral ground para sa direktang usapan.

Suportado ng Egypt, Saudi Arabia, Turkiye, China, at United Nations ang inisyatiba, na layong maiwasan ang paglala ng sigalot.

Samantala, nananatiling kritikal ang Tehran at patuloy na nag-aakusa na may plano ang Washington para sa isang ground assault, habang ang US ay nagsabing may “productive conversations” na nagaganap ngunit wala pang malinaw na commitment.

Sa kabila ng suporta mula sa rehiyon, nananatiling hamon ang malalim na kawalan ng tiwala sa pagitan ng dalawang bansa, at nakasalalay sa susunod na mga linggo kung magbubunga ang diplomasya o mananatiling retorika lamang.

----

Nasaksihan sa Vatican ang Filipino prayer matapos marinig ang panalangin sa wikang Filipino sa gitna ng Palm Sunday Mass na pinangunahan ni Pope Leo XIV sa St. Peter’s Square.

Ang naturang panalangin, na bahagi ng Prayers of the Faithful, ay tumagos sa puso ng maraming Pilipinong dumalo, kung saan ang ilan ay naantig at napaluha pa.

Sa panalangin, inalala ang mga taong dumaranas ng paghihirap at pang-aapi, at binigyang-diin ang pakikiisa ni Kristo sa kanilang pagdurusa.

“Para sa lahat ng nagdaranas ng paghihirap at karalitaan, kaisa sa pagdurusa si Kristo na nakapako sa Krus: nawa’y maramdaman nila ang presensiya at kagaanan ng loob ng Diyos Ama sa pamamagitan ng tulong ng lahat,” ayon sa panalangin.

Samantala, sa homiliya ng Santo Papa, binigyang-diin nito na si Hesus bilang Hari ng Kapayapaan na tumatanggi sa karahasan at hindi maaaring gamitin upang bigyang-katwiran ang digmaan at pagdurusa.

Sa pagtatapos ng misa, binati ng Santo Papa ang mga mananampalataya habang siya ay umikot sa St. Peter’s Square sakay ng popemobile, na nagdulot ng saya sa libu-libong dumalo.

Ang Palm Sunday ay hudyat ng pagsisimula ng Mahal na Araw, isang mahalagang panahon para sa mga Katoliko sa buong mundo upang gunitain ang paghihirap, kamatayan, at muling pagkabuhay ni Hesukristo.