Skip to content

March 3 - 7 am NEWS

March 3 - 7 am NEWS
CHESTER PANGAN
Mar 03, 2026 | 9:25 AM

Kinumpirma ng Department of Migrant Workers (DMW) na nasugatan ang isang Pilipinong airport worker sa Kuwait sa gitna ng tumitinding tensyon sa Middle East.

Ayon kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac, nagtamo ng minor na sugat sa leeg ang OFW na nagtatrabaho sa isang fast-food outlet sa loob ng airport.

Nilinaw niyang nasa labas lang ang sugat ng biktima at na-discharge na ito mula sa ospital.

Samantala, nauna nang naiulat ang pagkasawi ng isang Filipina caregiver sa Tel Aviv, Israel sa nagpapatuloy na sigalot.

Iniulat din ng DMW na ligtas at walang napaulat na napahamak sa mga Pilipino sa Iran. Tinatayang nasa 80 ang OFW sa Iran habang mahigit 1,000 naman ang mga Pilipinong may pamilya roon, karamihan ay asawa ng mga Iranian.

Samantala, sinabi ng DMW na ligtas at kumpleto ang bilang ng lahat ng Pilipino sa Iran.

Ani Cacdac, kaunti lang ang mga OFW sa Iran dahil may mga naunang umuwi noong nakaraang taon at may umiiral ding deployment ban sa nasabing bansa.

----

Abot sa 31 katao ang nasawi habang 149 ang nasugatan matapos bombahin ng mga Israeli jet ang kabisera ng Lebanon na Beirut noong Lunes.

Sa ulat ng state-run National News Agency, nangyari ang air strike makaraang maglunsad ang grupong Hezbollah ng rocket at drone attack laban sa isang military base sa Haifa, hilagang Israel.

Ayon sa Hezbiollah, ganti nila ito sa pagpatay sa Iranian Supreme Leader na si Ayatollah Ali Khamenei at bilang depensa sa Lebanon.

Nagbanta naman si Israeli Defense Minister Israel Katz na magbabayad ng “mabigat na kapalit” ang Hezbollah at tinukoy ang lider nitong si Naim Qassem bilang target.

Patuloy ang palitan ng pag-atake sa pagitan ng dalawang panig na itinutu­ring na seryosong paglala ng tensyon sa rehiyon sa gitna ng mas malawak na sigalot na kinasasangkutan ng Israel at Iran at kanilang mga kaalyado.