Tiniyak ng Armed Forces of the Philippines na walang nakikitang banta ng pag-atake mula sa Iran laban sa Pilipinas, sa gitna ‘yan ng lumalalang tensyon sa Middle East.
Ayon kay Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, tagapagsalita ng Philippine Navy, limitado lamang sa humigit-kumulang 2,000 kilometro ang abot ng missile system ng Iran. Aniya, nasa 7,500 kilometro ang layo ng Pilipinas mula sa Iran kaya’t malabo itong umabot sa Pilipinas.
Dagdag pa ni Trinidad na maging ang strategic US-UK military base na Diego Garcia sa Indian Ocean ay hindi rin naaabot ng missile capability ng Iran.
Nilinaw din ng AFP na ang mga lugar na saklaw ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) ay mga pasilidad na pag-aari ng Pilipinas at hindi mga base militar ng Estados Unidos.
***
Mahigpit na binabantayan ng Department of Agriculture) ang posibleng epekto sa sektor ng agrikultura at kalakalan ng bansa ukol sa nagpapatuloy na tensyon sa Middle East .
Sa inilabas na pahayag ng ahensya nitong Martes, sinabi ng DA na ang matagal na labanan sa rehiyon ay maaaring agad makaapekto agrikultura ng Pilipinas, lalo’t umaasa ang bansa sa pag-angkat ng ilang mahahalagang produkto.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., maaaring tumaas ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, na magreresulta sa mas mahal na gastos sa krudo, pataba, at freight.
Binigyang-diin ng DA na kapag nagpatuloy ang pagtaas ng presyo ng krudo, tataas din ang gastos sa farm inputs ng mga lokal na magsasaka. Posible rin umanong tumaas ang shipping rates dahil sa mas mahal na fuel, na magpapataas naman sa landed cost ng imported na harina at animal feed.