Masusung babantayan ng Bureau of Immigration ang mga paliparan at pantalan laban sa mga aktibidad ng human trafficking kasabay ng inaasahang pagbuhos ng mga pasahero sa Semana Santa.
Ayon kay Deputy spokesperson Melvin Mabulac, kapag ganitong panahon may mga pagtatangka ng human trafficking.
Ito ang dahilan kayat nilikha ang Immigration Protection and Border Enforcement Section para masusing makilatis ang mga Pilipinong bumibiyahe palabas ng bansa.
Gayundin, parte ang bureau ng Inter-agency Council Against Trafficking na naatasang imbestigahan ang mga kaso ng human trafficking na idinudulog sa kawanihan.
**
Hindi exempted si Pang. Ferdinand Marcos, Jr. sa probisyon ng 2026 General Appropriations Act na nagbabawal sa presensya ng mga pulitiko sa pamamahagi ng mga tulong ng pamahalaan sa publiko o anti-epal provision.
Ayon kay Palace Press Officer at Communications Usec. Claire Castro, agad inatasan ang Department of Social Welfare and Development na tanggalin ang tarpaulin na may larawan ng pangulo, na nadiskubreng nakapaskil sa isang payout center, kung saan ipinamahagi ang cash relief assistance sa mga PUV driver na apektado ng mataas na presyo ng langis.
Pinaalalahanan naman ng Palasyo ang mga lokal na pamahalaan sa naturang probisyon ng batas, na huwag gamitin o samantalahin ang mga payout activity ng gobyerno, para angkinin at isulong ang kanilang mga personal na interes at pamumulitika.