Skip to content

March 27 - 6am NEWS

March 27 - 6am NEWS
DONNA NATIVIDAD-ARENAS
Mar 27, 2026 | 6:30 AM

Hinihikayat ni Sen. Imee Marcos ang Social Security System, Government Service Insurance System, PAG-IBIG, at Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) na ipatupad ang pansamantalang suspensiyon ng pag-kaltas sa sahod upang mabawasan ang pasaning nararanasan ng mga manggagawang Pilipino dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina at pangunahing bilihin.

Kasabay nito, isinusulong din ng senador ang loan moratorium upang bigyan ng lunas ang mga manggagawa, magsasaka, mangingisda, at maliliit na negosyante na labis na naapektuhan ng krisis sa enerhiya, matapos ideklara ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. ang national state of energy emergency.

**

Nanawagan ang advocacy group na CitizenWatch Philippines sa pamahalaan na pormal na kilalanin ang internet access bilang ikalimang utility ng bansa, kahanay ng kuryente, tubig, gas, at transportasyon.

Ayon kay Atty. Kit Belmonte, co-convenor ng grupo, hindi na lamang opsyon ang pagkakaroon ng internet dahil nakadepende na rito ang pang-araw-araw na pamumuhay ng mga Pilipino.

Ibinase rin ng grupo ang panawagan sa datos ng Department of Information and Communications Technology (DICT) at International Telecommunication Union (ITU).


Lumalabas na mas naging abot-kaya ang presyo ng mobile data sa bansa, habang bumilis naman ang fixed broadband mula sa single-digit Mbps noong 2016 patungong mahigit 90 Mbps ngayong 2025.

Napanatili rin umano ang presyo ng mga entry-level fiber plans sa pagitan ng P1,299 hanggang P1,699.

Sa kabila nito, inihayag ng grupo na nahaharap pa rin ang mga kumpanya ng telekomunikasyon sa mga structural cost pressures tulad ng mataas na presyo ng kuryente at mabagal na proseso sa pagkuha ng mga permit.