Dumating na ang unang shipment ng imported diesel ng pamahalaan ngayong Huwebes, Marso 26, bilang bahagi ng hakbang upang mapatatag ang suplay ng langis at mapigilan ang epekto ng pabago-bagong presyo nito sa lokal na merkado.
Ayon sa Department of Energy, nasa humigit-kumulang 22.5 milyong litro o 142,000 bariles ng diesel ang kanilang natanggap, na bahagi ng plano upang palakasin ang reserba ng enerhiya ng bansa.
Isinagawa ito alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa ilalim ng Executive Order No. 110, na nagtatag ng Emergency Energy Security Program.
Layunin ng programa na protektahan ang mga mamimili at industriya laban sa biglaang pagtaas ng presyo ng langis sa world market sa pamamagitan ng pagdagdag ng lokal na imbentaryo ng fuel.
***
Ilang pasahero ang na-stranded sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila ngayong Huwebes ng umaga, Marso 26 dahil sa dalawang araw na transport strike na ikinasa ng grupong MANIBELA laban sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
Ayon sa National Capital Region Police Office may mga commuter pa ring bumiyahe kahit may abiso na ng tigil-pasada, kaya’t nadagdagan ang bilang ng mga naapektuhan.
Lumahok sa strike ang iba’t ibang sektor ng transportation kabilang ang jeepney drivers, bus operators, TNVS, motorcycle taxis, at UV Express.
Isa sa mga pangunahing pagtitipon ng mga nagprotesta ay isinagawa naman sa No To Oil Price Hike Coalition sa Aurora Boulevard sa Cubao, Quezon City.
Iginiit ng mga grupo ang pagtanggal ng value-added tax at excise tax sa produktong petrolyo, pagpapababa ng presyo ng langis sa P55 kada litro, at pagbabasura ng Oil Deregulation Law.