Nakauwi na sa bansa ang 16 overseas Filipino worker (OFW) mula Lebanon sa gitna ng tensyon sa Middle East.
Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), dumating ang mga Pilipino bandang alas-6:00 noong Lunes ng gabi, Marso 23, sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.
Bumiyahe sila sa pamamagitan ng Turkish Airlines flight at sinalubong sila sa NAIA ng mga opisyal ng DMW at iba pang ahensya.
Ito na ang ikalawang batch ng repatriation ng pamahalaan sa Lebanon. Sa kabuuan, 26 OFW na ang ligtas na nakabalik sa Pilipinas, kabilang ang unang batch na dumating noong Marso 10.
----
Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagbuo ng crisis committee sa gitna ng patuloy na pagtaas sa presyo ng langis dulot ng lumalalang tensyon sa Middle East.
Sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro, inatasan na ng Pangulo ang pagtatatag ng crisis committee kahit na hindi pa ito iminumungkahi sa kanya.
“Bago pa po may nag-suggest na gumawa ng crisis committee, nag-utos na po ang Pangulo na magagawa officially ng crisis committee, so hintayin na lang po nating ang dokumento para ma-finalize po,” ayon kay Castro.
Samantala, nilinaw naman ni Castro na hindi niya dina-downplay ang sitwasyon sa krisis ng langis at sa presyuhan nito sa bansa.
Base aniya sa paliwanag ni Energy Secretary Sharon Garin, may dalawang klase ng krisis sa suplay at sa presyo nito kaya kung pag-uusapan ang supply ay sasabihing walang krisis, subalit posibleng mayroong price disruption dahil sa nangyayaring krisis sa Middle East. Sa ngayon ay nagsusumikap aniya ang pamahalaan para hindi magkulang ang suply ng produktong petrolyo.
---
Nilinaw ng Department of Education (DepEd) ang nakatakdang transisyon patungo sa trimester school calendar simula sa school year 2026-2027.
Sa isang statement, ipinaliwanag ng Education Department na layunin ng repormang ito na magtuluy-tuloy ang pag-aaral at mabawasan ang madalas na abala sa klase.
Ginawa ng ahensiya ang paglilinaw kasunod ng kritisimo mula sa education groups.
Subalit, ayon sa DepEd nakabase ang polisiya sa isinagawang malawakang konsulasyon sa iba’t ibang antas mula sa mga guro, lider ng paaralan, mga magulang, mag-aaral hanggang sa mga kinatawan ng publiko at pribadong sektor ng edukasyon.
Binanggit din ng ahensiya ang findings na nagpapakitang aabot hanggang sa 53 mula sa 180 araw ng pasok noong School Year 2023-2024 o katumbas ng tatlong buwang pag-aaral ang nawala dahil sa masamang panahon at iba pang aktibidad na labas sa pagtuturo.
Para matugunan ito, hinati ang bagong school calendar sa structured blocks kabilang ang opening block para sa unang term para sa learner profiling at mga administratibong paghahanda; mas mahabang Instructional Blocks para sa tuluy-tuloy na pagtuturo at pag-aaral at End-of-Term Blocks para sa academic intervention, professional development gayundin para sa wellness ng mga guro at mag-aaral.
Nilinaw din ng DepEd na bahagi ang three-term calendar ng mas malawak na programa para ayusin ang batayang edukasyon sa bansa kabilang ang pagpapatayo ng mga silid-aralan, pagpapalawak ng school-based feeding program, pagpapaigting ng literacy at learning recovery interventions at iba pa.