Skip to content

March 23 - 8 am NEWS

March 23 - 8 am NEWS
CHESTER PANGAN
Mar 23, 2026 | 10:19 AM

Sumipa ang presyo ng langis umaga nitong Lunes, Marso 23 matapos magbigay ng 48 oras na ultimatum si US President Donad Trump para buksan ang Strait of Hormuz, ang kritikal na lagusan ng one-fifith ng iniluluwas na mga langis sa buong mundo.

Ilang sandali matapos pumatak ang 2200 GMT, ang presyo ng West Texas Intermediate (WTI), ang pangunahing benchmark crude oil sa US, ay tumaas ng hanggang 1.8% dahilan para pumalo ito sa $100 kada bariles, bago bumaba ng bahagya.

Tumaas naman sa $113.44 kada bariles ang presyo ng North Sea Brent crude, ang nagsisilbing pangunahing benchmark o pamantayan sa presyo ng langis sa buong mundo, bago bumaba sa $111, mga 45 minuto sa trading.

Noong Pebrero 27, isang araw bago ilunsad ng US at Israel ang pag-atake sa Iran, nasa $67.02 at $72.48 kada bariles ang presyo ng mga ito.

----

Muling umapela ang lider ng Simbahang Katolika na si Pope Leo XIV ng agarang tigil-putukan sa gitna ng digmaan sa Middle East.

Sa kanyang Angelus prayer sa St. Peter’s Square, binigyang-diin ng Santo Papa na ang kamatayan at pagdurusang dulot ng digmaan sa rehiyon ay isang “eskandalo para sa buong sangkatauhan.”

Iginiit ng unang US Pope na hindi dapat manahimik ang mundo sa pagdurusa ng mga inosenteng biktima.

Aniya, ang sakit ng mga ito ay sakit din ng buong sangkatauhan.

Kaugnay nito, muling hinikayat ni Pope Leo ang patuloy na panalangin upang matigil na ang labanan at makamit ang kapayapaan.

Sa gitna ng ikaapat na linggo ng digmaan ng Estados Unidos at Israel laban sa Iran, sinabi ng Santo Papa na patuloy niyang sinusubaybayan nang may matinding pangamba ang sitwasyon, pati na rin ang iba pang lugar na apektado ng karahasan.

----

Ipinag-utos ni US President Donald Trump ang paglalagay ng Immigration Customs Enforcement (ICE) agents sa mga paliparan.

Pangungunahan ito ni border czar Tom Homan kung saan tutulungan nila ang mga Transportation Security Administration officers.

Paliwanag nito na wala silang anumang kaalaman o kasanayan na ginagawa ng mga TSA.

Ang hakbang ay isang araw matapos ang pagbabanta ni Trump na magpakalat ng ICE agents sakaling bigong aprubhan ng mga mambabatas ang pondo para sa Department of Homeland Security.

Magreresulta ito sa mas mahabang pila sa mga pangunahing paliparan sa US.

Nagsagawa naman ng kilos protesta ang ilang mga manggagawa ng paliparan at ilang residente kung saan nagsagawa ang mga ito ng donation drive para sa mga TSA staff na nagtatrabaho na walang mga sahod.